^

Punto Mo

Maglingkod sa halip na paglingkuran

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

Isang mahalagang bagay ang lumutang sa mga nakaraang pagdinig ng Kamara de Representante at Senado tungkol sa drug war ni dating Presidente Duterte at mga karumal-dumal na alegasyon laban sa nagsasabing siya ang Appointed Son of God, kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ Church. Ito’y ang katotohanang ang kapangyarihan ay ­maaaring magwasak ng buhay.

Wika ng English historian na si Lord Acton, “Ang kapangyarihan ay gumagawa ng kasamaan; ang ganap na kapangyarihan ay gumagawa ng ganap na kasamaan.” Si Presidente Duterte ay kinilalang isa sa pinakamakapangyarihang pinuno sa panahon ng kanyang panunungkulan, kung saan pati ang mga biro lamang niya ay tinutoo ng kanyang mga tagasunod. Lahat ay minumura niya. Pati ang Papa ng Roma. Pati ang Diyos. Naghahari-harian ang tawag dito.

Kung totoo ang lahat ng mga alegasyon laban kay Quiboloy, mas naging mapangwasak ang kanyang kapangyarihan, sapagkat ang winasak niya’y ang kaluluwa ng kanyang mga tagasunod. Nagdidiyos-diyosan ang tawag dito.

Tugmang-tugma ang sinabi ng American author na si Edward Abbey, “Laging mapanganib ang kapangyarihan. Nabibighani nito ang pinakamasama at nagagawang masama ang pinakamabuti.”

Sinigundahan ito ng British philosopher na si Edmund Burke na nagsabi, “Mas malaki ang kapangyarihan, mas mapanganib ang pang-aabuso.” Kung nais mong mabulgar ang tunay na pagkatao ng isang tao, bigyan mo siya ng kapangyarihan.

Dito sa atin, nagagawa ng mga nasa kapangyarihan ang lahat ng gusto nilang gawin, sapagkat ang pilosopiya nila’y, “Para ano’t tayo’y nasa kapangyarihan!” Nakakabighani ang ­kapangyarihan, kung kaya’t itinuring ni Henry Kissinger, dating U.S. Secretary of States, na ang kapangyarihan ang pinakamabagsik na aphrodisiac.

Bakit nga hindi? Ang mga nakalasap ng kapangyarihan sa gobyerno ay ayaw nang bumitiw magpapahinga lang sandali, pero babalik uli, naging presidente na’y babalik pa sa mas mababang puwesto, o kaya’y pagkatapos niya ay ang asawa naman, o anak, o kapatid. Walang katapusang paghawak sa kapangyarihan ng isang pamilya o angkan.

Ang kapangyarihan ay naglalagay sa isang tao sa itaas, tinitingala, pinaglilingkuran. Kaibang-kaiba, ang totoo’y kabaligtaran, ang itinuro ni Hesus na konsepto ng kapangyarihan.

Kung ang katuruan ni Hesus ang susundin, baka wala ng tumakbo sa anumang pwesto sa gobyerno. Ganito ang depinisyon ni Hesus ng kapangyarihan at pinuno ayon sa Marcos 9:35, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”

Kay Hesus, ang tunay na kapangyarihan ay nakasalalay sa pagiging nasa ibaba kaysa nasa itaas. Ang tunay na pinuno ay naglilingkod, sa halip na pinaglilingkuran.

Nangyayari ang ganitong konsepto ng kapangyarihan sa pangalan lamang. Ang mga halal nating lider kung tawagin ay mga lingkod-bayan, public servant—mga alila o alipin ng bayan. Alipin ba sila kung umasta? O mga panginoong makapangyarihan? Naglilingkod ba sila? O pinaglilingkuran?

Kapag panahon ng kampanya, napakadaling lapitan ng mga kandidato. Pero karamihan, kapag nakaupo na, hindi mo na matagpuan. Meron din namang mga tapat sa paglilingkod. Ang gusto sana natin, karamihan ay tapat, at pailan-ilan lang ang tiwali.

Nalalapit na naman ang eleksyon. Sana naman matuto na tayong kumilatis kung sinong mga kandidato ang nagtataglay ng mga katangian na magiging tapat na lingkod ng bayan at kung sino naman ang nagtataglay ng mga katangian na maghahari-harian o magdidiyus-diyusan.

vuukle comment

KINGDOM OF JESUS CHRIST CHURCH

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with