Tatlong panibagong kaso ng Mpox kinumpirma ng DOH
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) ang tatlong panibagong kaso ng Mpox, na nagdala sa kabuuang bilang ng aktibong kaso ng Pilipinas sa bilang na walo.
Sinabi kahapon ng Department of Health (DOH) na dalawa sa mga karagdagang kaso ay mula sa Metro Manila, habang ang isa ay mula sa Calabarzon.
Lahat ng mga ito ay nagpositibo sa MPXV clade II, na isang mas banayad na anyo ng Mpox virus.
Nabatid na ang cases 15 at 16 ay mayroong anonymous sexual encounters sa higit isang partner, habang ang case 17 ay mayroong skin to skin sexual contact sa isa pang mayroong skin symptoms.
Sinabi ng DOH na ang Mpox case 15 ay isang 29-anyos na lalaki mula sa NCR na nakitaan ng mga sintomas simula noong Agosto 21 at kaagad nag-home isolate.
Ang Mpox case 16 naman ay isang 34-anyos na lalaki mula sa NCR na nakitaan ng sintomas simula Agosto 27. Nagpakonsulta siya at kaagad ring nag-home isolate.
Ang Mpox case 17 naman ay 29-anyos na lalaki mula sa Calabarzon na nakitaan ng sintomas simula noong Agosto 19. Wala siyang history of travel ngunit nagkaroon ng close intimate contact sa sexual partner na may kahalintulad na skin symptoms. May dalawa siyang household close contacts.
- Latest