Dyip nakuryente sa Bolts
MANILA, Philippines — Ibinagsak ng Meralco ang Terrafirma sa ikatlong sunod na kamalasan matapos kunin ang 107-91 panalo sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Humakot si import Allen Durham ng 23 points at 15 rebounds at may 22 markers si Bong Quinto para sa 2-1 record ng Bolts na naghulog sa Dyip sa 0-3 sa Group A.
Nag-ambag si Chris Banchero ng 17 points at may 16 at 12 markers sina rookie CJ Cansino at Allein Maliksi, ayon sa pagkakasunod.
“We wanted also AD getting in shape a little bit and I think he found his groove today,” ani coach Luigi Trillo kay Durham na huling naglaro noong Mayo. “Kay AD naman habang tumatagal nakikita namin he’s getting in shape.”
Inilista ng Meralco, naglaro na wala sina injured Chris Newsome, Aaron Black at Raymond Almazan, ang 27-15 abante sa first period patungo sa 77-59 pagbaon sa Terrafirma sa dulo ng third quarter.
Nakalapit ang Dyip sa 84-90 matapos ang ikaapat na three-point shot ni rookie Paolo Hernandez sa 6:40 minuto ng fourth canto.
Isang 13-1 atake tampok ang tatlong triples ni Quinto ang muling naglayo sa Bolts sa 103-85 sa huling 3:20 minuto ng laro.
Samantala, pinagmulta ng PBA si two-time MVP at Converge assistant coach Danny Ildefonso ng P20,000 dahil sa kanyang komento sa social media.
Sinabi ng isang PBA fan na dapat i-ban ang anak ni Ildefonso na si Dave dahil sa hindi nito pagpirma sa NorthPort na kumuha sa kanya bilang No. 5 overall pick.
- Latest