Magpapaputok ng bawal na firecrackers, pyrotechnics i-post sa socmed, i-report – PNP
MANILA, Philippines — Upang mapabilis ang pagpapataw ng kaparusahan, hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na i-post sa social media tulad ng Facebook at agad na i-report sa mga awtoridad ang sinumang mahuhuling nagpapaputok ng mga ipinagbabawal na firecrackers at mga pyrotechnics kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PNP Spokesperon P/Col. Jean Fajardo, mas makabubuting idokumento ang mga pasaway na indibidwal tulad ng pagkuha ng litrato, o video sa mga ito sa paglabag sa regulasyon at batas hinggil sa mga ipinagbabawal na paputok at mga pyrotechnics devices.
Ginawa ni Fajardo ang apela bilang bahagi ng Ligtas Paskuhan 2022 program ng PNP na katuwang ang Department of Health (DOH) na naglalayong maging mapayapa at matiwasay ang pagsalubong sa pagpasok ng taong 2023.
“Kung meron kayong makita o maobserbahan na lumalabag dito sa mga utos po natin na inilabas at sa mga guidelines po, lagi nating paalala po kung pupuwede po na, may mga hotlines naman po ang mga pinakamalapit na police station sa inyo, i-report po natin agad,” apela ng opisyal.
Ayon kay Fajardo, mabilis na makapagre-responde ang mga awtoridad kung aagad maire-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang mga pasaway na indibidwal.
Alinsunod sa batas ipinagbabawal ang malalakas na paputok na nagtataglay ng higit sa 0.2 gramo o mahigit sa 1/3 kutsarita ng pulbura.
Ang mga ipinagbabawal na paputok ay ang superlolo, whistle bomb, Goodbye de Lima, Bin Laden, super bawan at iba pa gayundin ang mga imported na paputok.
Samantalang ang mga uri ng paputok na maaring gamitin sa fireworks display area na itatalaga ng mga Local Government Units (LGUs) ay baby rocket, bawang, el Diablo, Judas belt, paper caps at iba pa.
Ipinaalala rin ni Fajardo na lahat ng mga komunidad ay dapat magtalaga ng firecracker display zone at community display area.
- Latest