20K tuberculosis patients nanganganib masawi kada taon
MANILA, Philippines — Kung hindi maaagapan ay nanganganib masawi ang 20,000 pasyente ng tuberculosis (TB) kada taon.
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH) at posibleng umabot sa 100,000 TB patients ang masawi sa loob ng susunod na limang taon dahil sa patuloy na pagkaantala ng serbisyong medikal ng pamahalaan dulot ng mga restriksyon na kagagawan ng pandemya.
Ito ay base sa “modellign study” ng Imperial College of London na nagsabi na maaaring umabot mula 65,100 hanggang 146,300 ang masasawi dahil sa TB kung mananatiling limitado ang galaw ng healthcare service para sa naturang sakit sa loob ng isa pang taon.
Mula Marso 2020, kung kailan nag-umpisa ang pagkaantala ng TB services tulad ng konsultasyon, testing at paggagamot, bumagsak na umano ang bilang ng mga kaso ng TB na ipinapaalam sa pamahalaan.
Sa dulo ng 2020, nasa 268,816 bago at nag-relapse na TB cases ang naiulat sa DOH, pero mas mababa pa rin ito ng 35 porsyento kumpara sa datos noong 2019.
Sa World Health Organization (WHO) global TB report noong 2020, ang Pilipinas pa rin ang may pinakamataas na bilang ng TB sa buong Asya.
Mayroon ang Pilipinas na 554 kaso sa kada 100,000 Pinoy.
Nanawagan ang DOH sa mga lokal na lider ng bansa na suportahan ang kanilang mga aktibidad laban sa TB kabilang ang pagtukoy sa mga pasyente at paggamot sa kanila.
- Latest