OFWs hirit bigyan ng libreng 24/7 serbisyong legal
MANILA, Philippines — Nais ni senatorial candidate at human rights lawyer Chel Diokno na mabigyan ng access ang overseas Filipino workers sa agarang libreng serbisyong o payong legal kung saan sila naroroon.
Ayon kay Diokno, madalas ay hindi alam ng OFWs ang gagawin kung nagkaroon sila ng problemang legal sa bansa kung saan sila nagtatrabaho.
Aniya, maaaring ilagay ang serbisyong ito sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kung hindi posible ang paglalagay nito sa mga embahada, sinabi ni Diokno na maaaring maglagay ang pamahalaan ng 24/7 online service kung saan maaaring magtanong ang mga OFW ukol sa isyung legal.
Sa paraang ito, mas magagabayan ang mga OFW sa mga hakbang na gagawin kung sakaling nasuong sa isang hindi magandang sitwasyon.
Ayon kay Diokno, ito’y katulad ng kanyang Free Legal Helpdesk kung saan sinasagot niya ang mga problemang legal ng mga Pilipino.
Itinatag ito ni Diokno ngayong pandemya para matugunan ang mga katanungang legal ng mahihirap na Pilipino na walang kakayahang lumapit sa abogado.
- Latest