‘Bawal Movement’

I’m thinking of doing another one para Christmas Three! Ngek!

“Bawal Judgmental” ang meron sa Eat Bulaga,

Bawal sa gabi ang lumabas at gumala

Lalo na ang mga Seniors at matatanda,

Sandali nga, parang may BAWAL MOVEMENT yata!

Teka nga sino ba talaga nagpakana

Na bawal lumabas ang mga matatanda?

Kung tutuusin sila na nga’y nakahanda

Ngek! Erase, erase, joke lang pero bakit ba nga?

Ang alam ko lamang ay dahil sa hinala

Na madali tamaan ang mga gurang nga!

But in truth may ginagawa raw na himala

At may Bawal Na Pag-ibig itong matanda!

Sa Wednesday ay KALAHATING TAON na pala

Tayo na naka-Quarantine o Cuarentena!

Actually, CUARENCINA… CUARTO and CUCINA!

Ngek! Eh dun lang kasi ang lagare talaga!

Quarantine kung may naidulot mang maganda,

Aba eh ang dami nang natutong magtinda!

Gumawa ng pandesal… lahat marunong na!

Kaya, ngayon pandemya, bukas… PANADERYA!

Isa pang nagpapagaan ngayong pandemya,

Marami nagpapadala ng patikim ba!

Yun bang “try and taste” from your amigo’t amiga,

Tawag ko nga dyan ay mga “Friendly Ayuda!”

Kapalit la’y ipo-post mo sa social media,

Yun nama’y kusa mo at hindi ka pinwersa,

Yun namang ayudang yun “second tranche” wala na

Sapagkat yung kasunod na’y magbabayad ka!

Ang mga negosyante nanganak talaga!

At ang ating purple yam o ube bumenta!

TUBER din like sweet potato o kamote sya

Kaya those into ube... U-TUBER din sila!

Ngek! Kaya yung “Buy Local” na motto ni Berna,

Sa nangyaring ito ay tila gumagana!

Maging sa halaman plantito at plantita!

Mga lugar sa Pinas ubra lang magpunta!

Umimpis man ba ang tinatawag na kurba,

Problema ng iba paglobo ng wangkata!

Biruin nyo namang kalahating taon na

Nagde-deliver ng pagkain ang ka-chika!

At may ilan din dyan na ang pinoproblema

Kung Christmas tree sila ba ay maglalagay pa,

Bakit naman hindi at nalimutan na ba

Na diwa ng Pasko pinakamahalaga!

Naisip ko nga EX-mas tree ko na lang sana

Yung ginamit last year kaya nga EX hindi ba?

Mas hanep pa nga this year at dala-dalawa

Dahil TWO Christmas trees ang aking ipininta!

Korek, painting ng Christmas tree! At ang maganda...

Walang sabit-sabit… isasabit mismo sya!

At ang amoy ay PINE na PINE… amoy PINE- TURA!

Ang isa pang bentahe… pwede pang ibenta!

Kahit ba meron pang quarantine at pandemya,

Ilabas pa rin jamon at queso de bola!

Kapaskuhan naman ay ukol sa pamilya

At sa Kaarawan ng Dakilang Messiah!

Sa dinadaanan natin ang mahalaga

Ay ang maging malikhain at wag tumanga!

Basta tuloy ang Pasko at wag mag-alala!

Santa Claus is coming! Naka-face mask nga lang sya!

“You better wash hands…” ang unang linya sa kanta,

Imbes toy ay TOY… LET PAPER ang dala-dala!

Tissue, hand sanitizer at wag magtataka,

“ALCO-HO-HO-HOL!” na tunog nya pag tumawa!

Show comments