Nagkamali si Greer sa pagpili kay Plania
MANILA, Philippines — Ilang kalaban ang hindi pinatos ni American world title contender Joshua Greer, Jr., ngunit nagkamali siya sa pagpili kay ‘Magic’ Mike Plania.
Ipinakita ni Plania ang kanyang puso patungo sa majority decision win laban kay Greer sa main event ng isang five-fight card kahapon sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada.
Pinabagsak ni Plania si Greer sa pamamagitan ng kanyang mga left hooks sa first at sixth rounds para mapanalunan ang kanilang 10-round, non-title bantamweight fight.
Pinaboran nina judges Tim Cheatham (96-92) at Patricia Morse-Jarman (97-91) ang 23-anyos na tubong General Santos City, habang tabla naman sa paningin ni judge Dave Moretti (94-94).
“Ito na ang magpapabago ng buhay ko,” wika ni Plania, itinaas ang kanyang win-loss-draw ring record sa 24-1-0 kasama ang 12 knockouts. “Matagal kong pinangarap ang ganitong laban at ngayon ay ibinigay ng Diyos sa akin.”
Ito ang pang-siyam na sunod na panalo ni Plania.
Nalasap naman ng 26-anyos na tubong Chicago na si Greer ang kanyang ikalawang kabiguan sa 26 laban (22-2-2, 12 KOs).
Kaagad napatumba ni Plania, ang No. 12 sa listahan ng International Boxing Federation at No. 10 sa World Boxing Association, si Greer sa unang minuto ng first round sa kanyang left hook.
Nakabawi naman ng lakas si Greer, ang No. 1 ranked sa World Boxing Organization, sa huling tatlong rounds.
Ngunit sa huli ay tuluyan nang tinapos ni Plania ang 19-fight winning streak ni Greer, huling natalo kay Stephen Fulton (18-0-0, 8 KOs) noong Disyembre ng 2015.
Inaasahan ding madidiskaril ang hangad ni Greer na hamunin si WBO bantamweight champion Johnriel Casimero.
- Latest