Hindi sa akin umubra kaya kay Tol Raffy lalapit!
Marami na ang sumubok at patuloy na sinusubukang gamitin ang pangalan ng BITAG bilang panakot sa kanilang mga inirereklamo. Kuwidaw, dahil kapag nakaabot saming kaalaman, ang nagrereklamo mismo ang bibitagin ko!
May isang kaso ng panggagahasa sa Makati ang tinatrabaho ng BITAG bago matapos ang 2019. Ang magulang ng 12 taong gulang na biktima, umiiyak sa galit nang makausap ko noon.
Ang suspek, ang kanilang guwaping na kapitbahay. Lumalabas, na-profile ng kolokoy ang biktima na madaling mapapasunod ang batang babae dahil sa kanyang itsura. Nagahasa ang bata sa mismong bahay ng suspek habang wala ang kanyang asawa. Huli nang nakapagsumbong ang bata sa takot, lumampas na sa itinakda ng batas na 36 hours para hulihin ang suspek.
Sa BITAG sila lumapit para agad mabigyan ng katarungan ang sinapit ng bata. Tulad ng aming tuntunin, agad akong nagpakawala ng mga BITAG investigators sa Makati. Layunin ng BITAG na matyagan, pag-aralan at kilalanin ang pagkatao ng inirereklamong suspek. Nagpalubog kami ng mga BITAG undercovers para sa mas malalimang imbestigasyon na ito. Kumpirmado ang panggagahasa, alam na pala ito ng mga kapitbahay at establisimento sa lugar. Sa galit daw kasi ng ama ng biktima ay nakumpronta na nito ang suspek.
Pero hindi pala roon natapos ang kumprontasyon dahil sa kadaldalan ng ama ng bata, nagmalaki itong pupunta ang BITAG sa lugar para hunting-in ang nanggahasa.
Isang establisimento ang pumayag na mapuwestuhan ng aking mga tao para makapagmanman kami. Nagsumbong ang may-ari na kalat na sa buong barangay na may BITAG undercovers sa lugar. Bagama’t matagumpay na naidokumento ng BITAG ang mga kilos, galaw at pagmumukha ng inirereklamo, itinuring naming “sunog” ang isinagawang surveillance operation. Kaya pinalamig muna namin ang sitwasyon.
Pagpasok ng 2020, isang masamang balita ang sumalubong sa amin. Ang hinayupak na ama ng bata, nakipag-areglo sa suspek sa halagang 25 thousand pesos. At noong nakaraang Pebrero, may mukha pang bumalik sa tanggapan ko para humingi ulit ng tulong sa BITAG. Nagyayabang at kinukutya raw ng suspek ang kanilang pamilya.
Kung hindi ba naman estupido, tarantado’t gunggong, eto ang resulta ng ginawa niyang pakikipag-areglo. Sa kanya nabaling ang imbestigasyon namin, napag-alamang lulong sa sugal ang hinayupak na tatay.
Nasundan pa ang eksenang ito dahil nitong nagdaang Sabado lang, tumawag pa sa aking staff ang kumag. Sa utol ko na lang daw na si Raffy siya lalapit kung ayaw nang trabahuhin ng BITAG ang kanyang sumbong. Sa kapal ng kanyang mukha, humihingi ng referral para hindi na raw siya pumila. Ang usapan daw kasi nila ng suspek ay 250 thousand pesos ang areglo pero 25k pa lang ang naibayad sa kanya. Ang mga sumunod na nangyari, pinagsisihan niyang lumapit pa siya sa BITAG. Ang mga salitang inireserba ko para sa suspek na nanggahasa, ang ama ang tumanggap.
Wala sa aming magkakapatid (Raffy, Ben at Erwin) ang pumapayag na magpagamit sa mga kolokoy na tulad nito. Ako mismo, si BITAG, hindi umuubra ang areglo sa pagitan ng nagrereklamo at inirereklamo.
Kapag lumapit sa aming tanggapan at trinabaho ng BITAG Investigative Team, tinatabla namin ang laban kaya walang are-areglo! Hinayupak na ama ‘to, abangan ang kumprontasyong ito sa BitagOfficial YouTube Channel.
- Latest