Nitong mga nakaraang linggo ng Marso,
Nagkaroon ng problema sa tubig tayo!
Biglang-biglang nag-LOBAT ang maraming gripo!
Kaya gumamit na naman ng OBAT tao!
OBAT ay TABO at binaliktad ko lang po!
Kasi life bumaliktad na nama’t napako!
Dahil babaliktari’t itataob tabo
Upang nasalok na tubig nama’y tumulo!
The word BOAT in reverse is TAOB ngek! Naku po!
Ngunit pag nirambol pa’t pinaghalo-halo,
Ano pa nga ba makukuha kundi… TABO!
Pero alam n’yo ba kung ano ang malabo?
Lahat may konek sa water pero Dios ko po!
Tayo lang putol connection! Tubig naglaho!
When we take a bath tayo na nama’y yuyuko!
Nagtitinda ng DRAM na naman ay TATABO!
Pag walang tubig waring isang dahong tuyo!
Walang hamog o dagta sa kanya’y tutulo!
Madaling malanta, madurog at gumuho!
Masahol pa sa tao… pwede pang BUMAHO!
Ipagpaumanhin at kulang na sa ligo
Ang Poet N’yo habang ito ay binubuo!
Title sana nito medyo na rin mabaho —
Ano sa palagay ninyo kung “WALANG TULO”?!
Sa naaalala mga una pang tabo
Ay gawa sa lata ng pineapple juice pa po!
At sa probinsya pa nun kapag naliligo,
BAO ang tabo’t sa tapayan yumuyuko!
Batalan ang tawag kung saan naliligo,
Kadalasan nakaupo’t nakatalungko!
Open air yu’t ikaw’y hubad at nakahubo
Kaya pag umihip ang hangin ayyyy naku po!
Subalit bago pa naging plastic ang tabo,
Barkada n’ya ang bakya, batya’t palo-palo!
Gamit pa ni Yaya sa aking pampaligo
Kasabay sa labada’t laundry soap na LUTO!
Korek, may yaya ako at dalawa pa po!
Thank you Lilia and Pelia, ‘di ako bumaho!
Laundry BAR ba gamitin and sometimes may GUGO!
Kaya ako nun BARA-BARA kung maligo!
Kung minsan naman ay Perla pag walang Luto
Ngek! Parang tunog NILAGANG MAIS ano po?
He, he, he… ‘yung sa Ateneo nilalako!
Pero katagalan Lifebuoy na aking samyo!
Nagre-reminisce din lang habang walang tulo,
Balikan ko rin mga words na nilalaro —
Pag nirambol pa pala the letters of TABO…
Meron pang BATO konek din sa paliligo!
Syanga pala birthday din ngayon ng Ermats ko,
First celebration nang wala na s’ya sa mundo!
I love you Ma at happy ka na d’yan siguro,
Basta don’t make gulat alam mo na anak mo!
I love you! I love you! I love you! Thank you! Thank you!
Special thanks sa paggawa mo ng BABY BOOK ko!
Na naging simula why I’m in this trabaho!
Thank you too kasi I know special child ako!
Ops, wait lang baka kung ano iniisip n’yo!
I’m ESPEYSYAL dahil sa apat na anak mo,
Ako lang ipinanganak sa ospital ‘no!
Hanggang HILOT lang ‘yung ibang mga utol ko!
Title natin ngayong “Tuuu…Big Dipper” ay TABO —
Magagamit lang pag sa gripo may tumulo!
Ang Big Dipper ay PITONG TALA ang bumubuo!
What’s the konek? Si TALA asawa ni TULO!