Sa Chinese Calendar Year of the Pig na tayo
Kaya “KANING BABOY” din ang mababasa n’yo!
Mga pinaghalo-halong kung ano-ano
At puro KABABUYAN at LAMON sesentro!
Basta ba tungkol pagkain and about eating,
Alam n’yo naman baboy ‘yun lang alam gawin!
Para lang tayong may party o kaya’y PIGING
Hep, from the word PIGGING I’m sure d’yan na-gets natin!
Maliit na pig kaya raw “lechon de leche”
Dahil sa nanay n’yang baboy pa’y dumedede!
Bakit pag may palpak “naletse” sinasabi?
Hindi kaya dahil NAPANIS ito kasi?
Noong araw kapag pork and beans na ang ulam,
Sa isang pirasong baboy nag-aagawan!
Napakaliit pa sa de-latang binuksan!
Kung marami di sana’y PORKS and Beans nga naman!
Sa tuwing may baboy nun sa hapag-kainan,
Ang TABA ginagawa kong pang-main event ‘yan!
Kapag bata pa’y hindi pinagbabawalan,
BABAY NA SA BABOY pag tayo na’y damatan!
Let’s play with food again! Ang ibig kong sabihin
Play with words lang naman at tungkol sa pagkain!
HAM-ot nang maging ma-TABA PATA-wa’t brain din!
Sana kahit medyo hilaw ay ma-take natin!
Kurak! UTAK lang at hindi kasali ang HEART!
The two organs are not organized and that’s a fact!
Ang utak sa puso ay huwag ia-attach
Kasi nga ang lalabas d’yan ay HEART-UTAK ngak!
Hindi sa kasaysayan ay pinipilipit,
“ISAW” daw si Julius Caesar unang gumamit!
Saglit, ‘yung street food na ‘yan noon pa hit? Bakit?
“I came, ISAW, I conquer!” si Julius may sambit!
Ngik! At minsan naman isang araw ng Linggo,
Sa isang Chinese birthday lunch nagtungo wife ko,
Nang aking alamin saan gagawing resto,
Sa Gloria Maris daw dahil nga GLORIAT ito!
Pagkatapos mag-steak and lobster isang gabi,
Nagtanong ang waiter kung sino ang for coffee,
Iba na talaga now sa dulo pag party,
Out kahit Three in One coffee … 3, 2, 1 … SELFIE!
“The early bird gets the early worm” sabi nila,
Nang “EAT BULAGA” nirambol ko mga letra,
Alam n’yo ba ang lumabas at bumalandra?
AGA BULATE o EARLY WORM … kaya UNA?
He, he, he … oks na rin dahil may “eat” naman s’ya!
Aking nakatuwaang rambolin ‘yung iba,
Walang mapipikon kasi ito nakuha —
MEOW SHIT! Ang bantot! Ano ng pusa talaga!
And speaking of pusa as food kadiri talaga!
Pero mga tao umaarte nga lang ba?
Eh pa’no kasi from fried chicken to fries ‘di ba,
Sawsaw n’yo ay CATSUP ngek! Tunog sinopas pa!
Ops, balikan ko lang at papaano nga ba,
Kung kami early worm … food ng ibong maaga!
Ngek! Una nga so una rin kaming meryenda?!
Depends, kung sila first matigok … WORMS ay pyesta!
Para sa panghimagas, throwback na EAT-storya —
Kapag aming lunch and dinner nun ready na ba,
Sisigaw ang nanay ko ng, “Food na, eat na!”
FOOD NA, EAT NA sounds like para bang nagmumura!