‘Blissing’

The rooster-shaped red stain on the dungeon walls I saw on March 18, 2014 at the Church of Saint Peter in Gallicantu located on the eastern slope of Mount Zion just outside the old (walled) City of Jerusalem.

Saan pa isang ligaya ubrang magmula

Bukod alam na nating magandang balita?

Hindi ‘yung pangkaraniwang inaakala,

‘Yung akin malamang magkamali ng hula!

 

Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa,

Pangyayaring ito naisulat na yata,

Nung sa Israel nag-pilgrimage at gumala,

Nang isang araw natapilok akong bigla!

 

Nagkamali ng hakbang sa aking pagbaba

Mula sa sasakyan at na-sprain nang malala!

Lalakarin pa naman namin ay mahaba!

At matindi pa nito ay PURO PABABA!

 

Church of Saint Peter in Gallicantu nagpunta,

“Gallicantu” ay Latin — TILAOK NG NOK-MA!

Nang si Pedro tatlong ulit itinatwa S’ya!

Dito ang dungeon ni Caiaphas makikita!

 

Madilim at sa ilalim ang bartolina!

Ibabang-ibaba at napakasikip pa!

Kaya noon daw kapag bilanggo dinala,

Naka-harness! Binababang naka-kadena!

 

Dito Panginoon pinahirapang una!

Aking mga kasama ay nagsibaba na,

Nais ko nang maiwa’t masakit ang paa

Ngunit tila may nagtulak sa ‘king sumama!

 

Kahit iika-ika’t paa’y hinihila,

Dahan-dahang nanaog dala ang kamera,

Naabutan kong nagdarasal lahat sila,

Nakayuko’t hawak pader ng bartolina!

 

Nag-kurus lang ako’t biglang naisip ko ba

Na kunan ng larawan ang aking asawa,

Nang aking siliping muli larawang kuha,

Laking gulat sa PULANG MANOK na nakita!

 

Ano sa palagay n’yo at ano nga kaya?

Waring tilamsik ng dugo kanyang kamukha!

Hindi usapan dito ang paniniwala,

Bakit sa dami ng hugis ay MANOK pa nga?!

 

Nais ko mang sabihing “mumunting himala”,

Tanggap ko s’yang NAKAKATUWANG PAGPAPALA!

Pagkakataong sa iba lamang ay wala,

Sa aki’y yakap kong tulad ng Eat Bulaga!

 

Spiritual joy kumbaga makukuha!

Makakapagpaligaya sa kaluluwa!

Isang pagpapala na mabubulaga ka!

Isang “BLISSING” ang itatawag ko sa kanya!

 

October 8, 2018… Lunes…umaga,

Pagkagising nag-post agad sa social media

Tungkol kay Saint Padre Pio of Pietrelcina

Dahil relic n’ya sa Manila dadalhin na!

 

Pagkatapos “maintenance” ko ay ininom na,

Nang biglang maalala inuming natira

Nang nagdaang gabi ‘yung may aloe vera

Na nasa refrigerator aking kinuha!

 

Habang aking tinutungga ang tira-tira,

Kaliwang balikat ko ay sumayad pala

Sa maraming ref magnets nahulog ang isa!

At sa kaliwang palad ko dun nagpahinga!

 

Mula sa mga ref magnets na sangkaterba,

Tiningnan tila nilagay sa kamay basta!

At ni wala akong kaideya-ideya,

Alleluia! Si SAN PIO nakaluhod pa!

Show comments