Five in the afternoon, March 19, last Monday lang,
Mahaba-habang panahon din ang binilang,
Nang mag-isang dibdib ang dalawang nilalang,
Doon pa sa Kataas-taasang Hukuman!
Kung bakit nagtagal ay maraming dahilan,
Mahalaga’y nakamit din pinaglalaban,
Nakakapagod kahit saang panig ka man,
Salamat at sa huli ay napagwagihan!
Akala namin ay puro “I do, I do” lang,
Subalit may bagay pang kinakailangan —
Sasabihin sa isa’t isa’y nahilingan…
Isa bang mensahe o “vows”… ngek! Ano ba ‘yan?!
Ang Poet N’yo and Mrs.... Ang Poet N’yo! — Photo by Pat Dy
Sa aking mambabasa pasensya na kayo
Kung sa aming kasal ‘di kayo imbitado,
Kung kaya naman sa pagkakataong ito,
Sinabi ko’y ibabahagi… at narito…
Marami nang sinulat na mga awitin,
Mga tula ng pag-ibig marami na rin,
At sa araw na itong pagtatali natin,
Ito rin ang paraan na nais kong gawin!
Subalit iba pala pag tungkol sa ‘yo na,
Lalo’t higit tungkol sa ating pagsasama,
Kahit anong maganda naman ay uubra,
Ngunit ayaw kong mag-imbento at mambola!
At matapos mahaba-haba ring panahon,
Sa kung sa sasabihin ano’ng ilalaman,
Isang milyong “I LOVE YOU” ‘di na kailangan,
Wala nang sumpa’t pangako na bibitawan!
... and with the Eat, Bulaga family and Supreme Court Associate Justice Andres Reyes III (seated, third from right) who presided over our civil rites.
Sigaw ng puso ko na pinakamaganda —
Sa oras na ito… ay PASALAMATAN KA!
At dahil sa iyo buhay ko ay napunta
Sa wasto… pagkat ikaw ang napangasawa!
Pasasalamat ko ay panghabang-panahon,
Ang hiling ko na lamang ay sana’y maglaon
Pagsasama nating kal’ob ng Panginoon,
Maraming salamat MRS. EILEEN DE LEON!