^

Entertainment

‘Once In A Blue Lobster’

ME, STARZAN - Joey de Leon - The Philippine Star
‘Once In A Blue Lobster’

Hinanap ko itong Blue Lobster sa Blue Lagoon sa Iceland pero dito ko lang pala sa Macau makikita. Pero kung meron naman nito sa Blue Lagoon malamang PULA na!

THIRTY-EIGHTH Anniversary ng Eat, Bulaga,

Natapat ng Linggo kaya aking ginawa —

Nag-Macau upang gawin aking pagdakila

Ngeh! Ano’ng koneksyon? Bakit duon pa kaya?

 

Una sa lahat ‘di man kayo maniwala,

Dun ako nagsimba at sumampalataya!

At sa dahilang may “EAT” nga sa Eat, Bulaga,

Eh di kumain ng LOBSTER na pambihira!

 

EAT BLUE LOBSTER syempre dahil nga Eat BLUE-laga!

Tutal pambihira ang palabas sa haba!

Talagang bihira at Blue Lobster kamukha!

Rare baga, one in NOT one but TWO MILLION pa nga!

 

Pero yabang aside, ako ma’y namamangha

Sa hindi ba akalaing aming nagawa!

Katulad ng Blue Lobster ay meron pa kaya,

Golden Lobster namang gagawa ng himala?!

 

Ngunit sa huli ang pinakamahalaga

Ay maabot mo ang panlasa ng masa!

Dahil kahit anong kulay ng ulang ka pa,

Sa dulo pag naluto lahat kulay PULA!

 

Sa paglalakbay maeengkwentro talaga

Mga bagay at pagkain na kakaiba,

‘Yang Blue Lobster natyempuhan lang ba kumbaga,

Ngunit may isang dinner na nakakatawa!

 

Eh saan naman kasi kayo nakakita,

Nung maghapunan kami sa Hotel Okura

YAMAZATO ‘yung Japanese restaurant nila,

This time is not blue but YELLOWTAIL ang tinira!

 

At naturalmente may kung ano-ano pa,

At sa huli ay fruit dessert aming kinuha,

Ayos! Busog! At nung bill namin ay makita,

Dessert namin TWELVE THOUSAND PESOS ang halaga!

 

Ngek! Ito na ang PANGHIMAGASTOS talaga!

Not Blue, not Yellow, this time s’ya ay kulay PULA!

Higit kalahati ng bill para sa kanya!

Matindi pa n’yan… ISA lang pirasong MANGGA!

 

Nung aming malaman eh kaya naman pala,

Galing pa ng Japan at ito na PINAKA!

Natikman na sa Hokkaido ito nung una,

Masarap at matamis naman s’ya talaga!

 

Teka nga, batay sa aking pagpunta-punta,

Bakit nga ba nasa Japan mga PINAKA?

Pagdating sa pagkain maging sa prutas pa,

Lalo na sa KANIN Hapon ang una’t bida!

 

Maging tinapay at biskwit sa kanila pa!

Bawat piraso binibigyang importansya,

Kundi ba naman binabalot isa-isa!

Mga matatamis mahinhin lang tamis n’ya!

 

Noon pa ‘yang Kayamanan ni Yamashita,

Mga nangangaso hanap nang hanap sila,

‘Yang hinahanap ‘di ba nila nakikita?

Eh ‘yan na nga mismong Japan ang yaman nila!

 

Ops, baka sabihin na naman nung iba —

Ang pagpuri’t pagdakila ko’y sumosobra,

Sumosobra? Oks lang may SUMO naman sila!

Pero kidding aside, totoo naman ‘di ba?

 

Parang pag-angat din sa sariling programa,

Makulay din kasi ang pinagdaanan n’ya,

Sa ‘min kasi buong BANZAI nagkakaisa!

‘Bibigay-kulay lagi sa inyong umaga!

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with