‘Kawayan... Ikaw ’Yan!’
Pantapat nung araw nung aming kabataan
Sa gawa ng Kanong “Rain, rain, go away” na ‘yan
Ang sigaw na ‘di alam ang pinanggalingan,
Pag-ulan na … “ULAN, ULAN PANTAY KAWAYAN!”
Ang sulat sa Ingles sa kanyang kabuuan,
‘Yun bang pinalalayas pagbuhos ng ulan!
At sa ibang araw pinababalik na lang
Sapagkat sa labas bata’y maglalaruan!
Malinaw na nais ng batang Pinoy naman
Na higit pang lumakas pagpatak ng ulan
Dahil mas masarap at magpapaliguan!
Kung sa lakas ay bumaha lalong mainam!
Sa ‘Merkano ay pagtaboy sa kalikasan,
Sa atin ay pagsulong pa sa kalakasan!
Ang panalangin pa sa kanyang kahabaan,
Tumaas at tumibay pa … tulad kawayan!
May hinala akong ‘yan ang pinanggalingan
Ng salitang KAWAY … sa galaw ng kawayan!
Pag-indayog ng daliring may kahinhinan
At ang dahilan ay hindi pamamaalam!
Bagkus ay isang pagbati ng kagandahan,
Kalakip pa doon ang isang kahilingan
Na nawa’y lumago pa pagkakaibigan,
‘Di maaalis dalhin ng hangin saan man!
Kaya pag nakita Miss Universe contestants,
Pati Queen Elizabeth kayo’y kinawayan,
Pati nga NBA Kawhi Leonard’s big hands,
Tandaang lahat ng ‘yan galing KAWAYAN!
Siguro naman inyo pang natatandaan
Nang kumidlat at bumiyak Haring Kawayan,
Si Malakas at Maganda ay isinilang,
Sa totoo ‘yan kanyang mga katangian!
‘KAWHI, KAMAY BA ’YAN?’ — Ang Poet N’yo with NBA MVP Kawhi Leonard of the San Antonio Spurs during their Eat Bulaga visit.
Ang malakas at maganda ay ang kawayan!
Tulad NIYOG na Tree of Life … s’yay DAMO nga lang!
Silang dalawa ay BUHAY at KAYAMANAN —
Parehong ALKANSYA at pinag-iipunan!
May naisip ako subalit kalokohan —
Dahil DAMO ngang maituturing kawayan,
Kung kaya nga ito kapag nagkakawayan,
Nasasambit ang, “HIGH!” kapag nagbabatian!
Ang PAWID na galing niyog at ang KAWAYAN,
Noon at hanggang ngayon pa ma’y magkatuwang,
Kaya kung gawa sa ganyan inyong tahanan
Ay ‘wag mahiya bagkus ay ipagmayabang!
Alamat ng Kawayan ayon kasaysayan —
Ang Anak ng Ama doon sa Kalangitan
Ay labis ang pagkaaliw sa kalupaan
Kaya ang Ama naisip S’ya na pagbigyan!
Tinanim sa lupa isa n’yang kawangisan,
Mataas, matatag, walang yinuyukuan!
Pansining bughaw ang kulay ng kalangitan,
Ang dugong bughaw ginawang kulay luntian!
Kaya’t waring lupa’t langit nag-aabutan!
At sinabi sa Anak, “Tingnan mo … IKAW ‘YAN!”
Maganda di ba ngunit ‘wag paniwalaan
Sapagkat ‘yan Ang Poet N’yo gawa-gawa lamang!
- Latest
- Trending