‘Moshi Moshi!’
Tunay ngang salitang GOODBYE ay pinaikling
GOD BE WITH YE o YOU pagkat kung susuriin,
Sa wikang Kastila ay may GOD o Diyos rin —
ADIOS… eh teka, ano ang para sa atin?
PAALAM kasi’y waring “to inform” lang dating,
Hindi kaya PAALLAH talaga nanggaling?
SUMAIYO ANG DIOS sa mahabang pagsalin,
Kaya SAYONARA Hapon kung iisipin!
SUMAIYO NA SI RA kung pahahabain,
Si RA ay SUN GOD at sa Ehipto nanggaling,
Bakit nagkagayon kung inyong tatanungin?
Hindi ba’t SUN nasa flag? Di n’yo ba napansin?
Land of the Rising Sun din kung sila’y tawagin!
Nasa itaas at hindi mo masasaling!
Kung mapapansin n’yo sa salita rin natin —
ARAW — nasa gitnang-gitna ay si RA pa rin!
Hindi ko malaman kung sino bang magaling
Nagmungkahing Pearl of the Orient tayo’y gawin?
Bagay mapabunghalit ng “Anak ng pating!”
Perlas kasi sisisirin pa’t sa ilalim!
Ngayon ‘di n’yo alam kung ako’y seseryohin,
Huwad lang ba ako’t matyagang magkutingting?!
Ehem, sa totoo lang ang ibig sabihin —
Konek-konek ang tao’t may DIOS na magaling!
Maraming bandila may Araw at Bituin,
At may Buwan pa ang iba kung mapapansin!
‘Yang mga bagay na ‘yan saan ba nanggaling?
Ilan lang sa Maykapal na mga likhain!
Kung kaya nga pinakamadaling mapansin
Watawat ng Japan kung ating lalahatin,
Katapatan sa Araw sagad at taimtim,
Kung ‘di ba naman kahit gabi HAPON pa rin!
Hep, ano ba talaga pinapaksa natin?
Imagine, dis artikol GOODBYE nag-opening!
Naging religious, naging United Nations din!
Eh di tuloy na lang natin — HELLO sa ending!
Ito’y matagal-tagal ko na ring napansin —
Kung nasa GOODBYE nga ang GOD, The Power Supreme,
Bakit greeting na HELLO may HELL na opening?
‘Nay ko po! Ano ang ibig nitong sabihin?
Sa dami ng katunog at ibang spelling,
Bakit pa kasi HELLO ang napili natin?
Ubra namang HALO para heavenly pa rin,
Kasalanan daw nag-imbento ng kiriring!
Si Alexander Graham Bell daw ang salarin!
Ayos na sana nang telephone kanyang gawin,
But naglagay ng HELLO sa language s’ya raw rin
Sapagkat apelyido raw ng kanyang darling!
OMG! Oh May Girl! And Margaret was her name!
And the great Alexander ay pinilit pa rin
Ang HELLO ng mahal n’ya pagbating gamitin,
Hanggang ngayon ‘yon pa rin… they’ve got BELLS ang love team!
Sabi naman ng iba ‘di ‘yan ang happening
At si Alva Edison daw nag-coin ng greeting,
Gusto nga raw ni Bell ay AHOY ang gamitin,
Nagalit ang imbentor ng phone nang tanungin!
“Hindi totoo ‘yan! Si Thomas sinungaling!
INITIALS ng name n’ya ang bintang n’ya sa akin!
In short, SYET! I repeat, SYET! This is a recording!”
Well, the right number ‘di na malalaman natin!
Walang paki na marami kung tutuusin
Kung kaninong Herodes ang HELLO nanggaling!
Hellooow… sa ngayon nga iba na kanyang meaning,
Mahalaga may phone bawat isa sa atin!
- Latest
- Trending