Epekto sa Pilipinas ni Trump o Hillary
KAWAWA naman ang mga Amerikano, paulit-ulit na iling ng political analysts nitong nakaraang mga buwan. Wala umanong pagpipilian ang mga botante ngayong araw na ito, presidential election day, kundi isang palaaway na bilyonaryo at pahamak na lola.
Tanyag si Donald Trump ng Republican Party sa panlalait ng mga migrante. Sa tingin niya, ilegal silang lahat -- Chicano, Asyano, Aprikano -- naninirahan sa United States. Para umano matigil ang pagpasok ng mga Mexicano mula sa timog, magpapatayo siya ng bakod sa border nito sa US -- at pababayaran sa Mexico. Natural ang pagbubulaan kay Trump. Para sa kanya, ang katotohanan ay hindi ang aktwal na pangyayari, kundi ang popular o kaya’y kathang-isip niya. Walang kakurap-kurap, tinawag niyang founder ng Islamic State si President Barack Obama; ang katunayan niya ay “dahil sinabi ko, totoo ‘yan.” Sa kabuuan ng kampanya, tinago niya ang kanyang income tax returns.
Kilala si Democrat Hillary Clinton hindi lang bilang ambisyosang misis ni ex-President Bill Clinton, ang pinagluhuran ni Monica Lewinsky. Bilang Secretary of State ni Obama, kontrobersiyal siya dahil sa pagpapahamak sa mga espiya ng US sa iba’t ibang bansa, at sa paggamit ng unsecure personal email, imbes na military-secured account ng gobyerno, para sa opisyal at sikretong komunikasyon. Sa kabuuan ng kampanya, itinago niya ang tunay na kalagayan ng kalusugan.
Ano ang epekto sa Pilipinas kung sino man sa kanila ang manalo? Aawayin ni Trump ang China sa kalakalan, at iipitin ang pagpasok ng produktong Chinese sa US, pero kakaibiganin si President Vladimir Putin ng Russia. Malamang na magkatagisan sila ni President Rody Duterte. Si Hillary naman, tiyak na hahalungkatin ang isyu ng human rights sa war on drugs ni Duterte, kaya away din ang kauuwian. Waah!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest