Mayor Espinosa, 1 pa patay sa selda
MANILA, Philippines – Napatay si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., at isa pang inmate matapos umanong manlaban habang isinisilbi ng raiding team ang search warrant sa kasong paglabag sa ‘illegal firearms“ sa loob ng selda nito sa sub-provincial jail ng Baybay City, Leyte nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 8 Director P/Chief Supt. Elmer Beltejar, bukod kay Espinosa ay napatay rin umano sa shootout ang isa pang inmate na kinilalang si Raul Yap na nasa kabilang selda ng nasabing piitan.
Bandang alas-4 ng madaling araw nang salakayin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 sa pamumuno ni Chief Insp. Leo Laraga ang cell number 1 ng nasabing piitan na matatagpuan sa Brgy. Hipusngo, Baybay City kung saan nakakulong si Mayor Espinosa pero pinaputukan umano nito ang raiding team na nagbunsod sa shootout na siya nitong ikinamatay.
Sumunod namang isinilbi ang search warrant laban kay Yap na nasa cell number 7 pero nanlaban din ito at pinaputukan ang mga operatiba na nagresulta rin sa shootout kung saan ay agad itong tumimbuwang. Hindi naman nasaktan ang anim pang preso na kasama nito sa selda.
Sinabi naman ni CIDG Regional Chief P/Supt. Marvin Marcos, ang raid ay sa bisa ng search warrants na inisyu ni Judge Tarcelo Sabarre Jr., ng Regional Trial Court Branch 30 sa Basey, Samar.
Si Espinosa ay may search warrant sa kasong paglabag sa Republic Act (RA)10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Law habang si Yap ay sa paglabag naman sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Marcos na napilitan silang puwersahang pasukin ang gate ng detention facility upang isilbi ang search warrants dahil ayaw umanong ibigay ng mga jailguard ng Bureau of Jail Management and Penology ang susi sa entrance gate kung saan nagkaroon pa ng 15 minutong standoff bago nila napasok ang piitan na ginamitan na ng wire cutters.
Sinabi ni Marcos na si Espinosa ay armado ng super .38 caliber pistol habang si Yap ay isang cal. 45 caliber pistol na nasa pag-iingat ng mga ito sa kanilang mga selda. Nakumpiska sa selda ni Espinosa ang isang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia habang sa selda ni Yap ay 10 plastic sachet ng shabu, 27 plastic sachet ng marijuana at drug paraphernalias.
Si Espinosa ay nauna nang kinasuhan ng illegal possession of drugs at unlicensed firearms matapos salakayin ng mga awtoridad ang tahanan nito sa Albuera, Leyte na nagresulta sa pagkakasamsam ng 11.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P88 milyon at bulto ng mga armas at bala noong Agosto 10 ng taong ito.
Bago ito ay napatay rin ang anim na miyembro ng Private Armed Group (PAGs) ng alkalde noong unang bahagi rin ng Agosto.
Si Espinosa alyas Daddy Onik ay protektor umano ng anak nitong si Kerwin Espinosa, sinasabing no.1 drug lord ng Eastern Visayas na naaresto sa Abu Dhabi, United Arab Emirates noong nakaraang buwan at kasalukuyan nang prinoproseso ang pagbabalik sa bansa.
Ang mag-amang Espinosa ay kabilang sa mga ibinulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa narco politics. Si Espinosa ay nauna nang sumuko sa PNP at itinangging protektor ng kaniyang anak.
- Latest