‘Bahay Kubo, We Have A Problem!’

We have another problem — in the traditional Filipino art, parang hindi kumpleto ang bahay kubo pag walang puno ng buko! Bakit kaya hindi nabanggit? (painting is a 1988 oil by Macario Cruz Vitalis)

Sana nama’y ‘wag masisi sa pagbusisi

Sa awitin bang “Bahay Kubo kahit munti,”

Syempre, “ang halaman doon ay sari-sari —

Singkamas at talong, sigarilyas at mani …”

 

Ang unang tanong ay ano nga ba ang sanhi

At katunog ng BINHI at BINTI pinili

Sa umpisa ng kanta’t ito kaya’y hindi

Tungkol pagtatanim sa inyo ba’y sumagi?

 

“Sitaw, bataw, patani …” pa nga napapunta

Biglang, “kundol, patola, upo’t kalabasa…

At saka mayroon pang labanos, mustasa…

Sibuyas, kamatis, bawang at luya…” teka…

 

O, bakit ang tunog nag-iba’t kumambyo na

At kapuna-punang nagtunog MAGSASAKA?

Tunog binti at binhi hindi namantina,

Ang ibig sabihin merong konting problema!

 

At, “sa paligid-ligid ay puno ng linga!”

Buti pa linga na sinlaki lang ng tinga

At bihira lang gamitin ay naisama!

Bakit MALUNGGAY at KANGKONG wala sa lista?

 

Pampalakas ng katawan naman lahat ‘yan,

Subalit bakit maraming sikat na kulang?

Teka, bakit dito ba ay may palakasan?

Ang kilabot na AMPALAYA nga’y nasaan?

 

Bukod dun ang awit kakat’wa sa simula,

‘Yun bang pagkasulat waring ‘di nagtutugma!

Pagkat lumalabas tanim hindi sa lupa

Nagmumula kung hindi sa loob ng dampa!

 

The bahay kubo watercolor is by National Artist Vicente Manansala

Malinaw na sa kubo “ang halaman doon…”

Pasensya na kayo’t ako la’y nagtatanong,

At kung kubo’y munti lang ako’y hindi ayon

Pagkat sa dami ng tinuran, kasya ba ro’n?

Bakit kasi hindi nagbanggit ng lupain?

O kaya naman kahit kapirasong hardin?

Pero nandyan na ‘yan at kinanta na natin,

Kung sino talaga sumulat ang alamin!

Maski bahay naman sa lupa nakatanim,

Lahat ng binanggit nga lupa aanihin,

Kaya bakit nga hindi binigyan ng pansin

Ang salitang LUPA? Ano sa inyong tingin?

Mahalaga lupa ‘yan ating planeta,

Sa ‘ting Pambansang Awit nga’y nakatatak s’ya!

D’yan din hinugis maging si Adan at Eba,

Kung bakit iniwasan nakapagtataka!

At naisip ko rin malamang ay sinadya

Ng umakdang itatwa naturang salita

Sa dahilang sa “Bahay Kubo” na kinatha,

Palagay n’ya ang “lupa” makaka-asiwa!

At bakit naman ano naman ang masama?

Tunay namang magkaterno bahay at lupa!

Kaya kung munti lang ang bahay kubo mo nga,

Sana ay binanggit na rin ang MUNTING LUPA!

At bilang pang-closing ay babalikan ko lang

At dalawang katanungan ang iiwanan —

‘Yung PUNO sa “puno ng linga”… ano ba ‘yan?

PUNO na “TREE” ba o “FULL OF” ang kahulugan?

At bakit sa dami ng binanggit sa kanta

Ay sa maraming “puno ng linga” nag-CLOSE ka?

Ang linga sa Ingles ay SESAME hindi ba?

At sa OPEN ginamit ‘yan ni Ali Baba!

Show comments