^

Entertainment

‘Poster Father’

ME, STARZAN - Joey de Leon - The Philippine Star

Tatanda rin tayong lahat…at manghihina,

Mapapagod…magsasawa…at mawawala!

At sa takbo ng buhay na ito’y wika nga —

Sa iyong paglisan dala mo lang ay…WALA!

 

Subalit habang ikaw pa ay humihinga,

Tuloy lang buhay at ayaw pang magpahinga,

May mahal kang mga bagay na mahalaga

Tulad ng paboritong maong na luma na!

 

Karaniwan ay matagal nang nakasama —

Ubrang isang piyano, bigay na gitara,

Papuri’t parangal, korona at medalya,

Ngunit sa iba ang una pa rin ay…PERA!

 

Pera…alahas, ginto…salapi pa’t kwarta!

Mamahaling sasakyang bago’t iba-iba,

Malawak na lupaing ekta-ektarya

Gayong sa kapirasong lupa lang ang punta!

 

Sa inyo bang sarili ay naitanong na —

Kung masisikipan ka na at isasalya

Ang mga kagamitang ito ay ano ba

Sa palagay n’yo ang huling ititira?

 

Sa Ang Poet N’yo ay alam ko na noon pa,

Ang halos lahat nga ay pwede nang mauna,

Maaaring tawagin bang ipinamana,

Mga sulat at larawan lang matitira.

 

Mga ipininta at mga iskultura,

Mag-iiwan lamang ng isa…o dalawa,

Ngunit mga paglalakbay na alaala

At mga pinluma AY AKIN walang duda!

 

Mga poster ng lugar kung saan nagpunta

At dinikitan ng larawang duon kuha,

Sa totoo sa akin ay mas mahalaga,

Para ‘kong travel agency kung makikita!

 

At nang higit at lalong maunawaan pa,

Ito ‘yung mga larawan at karatula

Ng mga lupain na aking nabisita

Upang sa Ang Poet N’yo ay magpaalala.

 

Kahit nga yata isang obra ni Juan Luna,

Buong puso kong pawawalan na mauna

Kaysa isang poster nung nasa Espanya,

‘Tsaka wala naman akong Luna isa pa!

 

He, he, he…Well, sa aking mga mambabasa,

Ngayon Ang Poet N’yo ang trip bistado n’yo na,

Kung sakaling may problema’t maba-bad trip ka,

Masdan lang sila at ikaw na’y makakalma!

 

Trip ko’y mga trip na ikwinadro kumbaga,

‘Di lang poet kundi Poster Father pa!

Bakit ‘di na lang sa pag-a-album nagkasya?

Kasi “karatula” may TULA rin sa kanya!

 

Pagtanda nati’t ginupo na ng rayuma,

Maupo ka na la’t masdan sila isa-isa,

Alalahanin dala-dala nilang saya,

Thank you sa pagkakataon at pagpapala!

 

Muli ay uulitin ko ang aking “mantra,”

Hindi nga SAGRADO pero SIGURADO s’ya —

“Trabaho, Ipon, Travel, Enjoy!” In short, “tight” ha,

‘Yun dapat tunog hindi syllables dalawa!

 

Kung iniisip n’yo na ang salitang “mantra”

Mula Sanskrit sa “gamit ng pag-iisip” s’ya,

Ummm, pwede na rin subalit mas oks ‘tong isa —

MANTRA … MAN, TRA-vel ka! O, MAN, TRA- baho muna!

ACIRC

ALALAHANIN

ANG

ANG POET N

BRVBAR

JUAN LUNA

LANG

MGA

NBSP

NGUNIT

POSTER FATHER

Philstar
  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with