MABABAW. Simple. Payak. Walang palamuti,
‘Yun na. Hubo’t hubad. Walang pagkukunwari,
Matuwid at maaabot n’yo nang madali,
Madaling kulayan kasi palaging PUTI!
Lahat ng nakakakiliti sa paningin,
‘Yung mga KYUT o CUTE ang ibig kong sabihin,
Ay ‘yung mga simple lang at hindi “malalim,”
Magaan dating, ‘di ka na pag-iisipin.
Katulad lang ba nung sa Hotdog na awitin
Na “Pers Lab” at doon ay kanilang banggitin
Na sa t’wing crush n’ya mahuhuli ng paningin,
Ang dyaske ay natutunaw na parang ice cream!
O hindi ba ang dali-daling intindihin?
At pwede kong ilaban ng pitpitan pa rin
Na ‘yan ang unang simpleng pa-cute sa kantahin
Na nauso nitong mga panahon natin.
“Kung panaginip ka, ayaw ko nang magising …”
Ang galing! ‘Di ba napakadaling namnamin?
Walang “neurochemical changes” iisipin,
Ngek! Oxytocin, phenethylamine, dopamine!
Ngek uli! Ano ba ‘yan mga pampagising?
Kapag na-in love ba ‘yan ay bubusisiin?
“’Di na makatulog at ‘di pa makakain …”
O taghiyawat lang senyales na ‘yan darling!
“Ice cream natunaw dahil binilad sa araw …”
Ang daling makuha sapagkat nga mababaw,
Walang pa-deep, una kong narinig napa-wow!
Tila talaba… mas malinamnam pag HILAW!
Walang paligoy-ligoy, walang pagka-huwad,
“Ipagpatawad mo, minahal kita agad!”
Wala nang pasumpa-sumpa at “I swear to God!”
Wala nang “I’m Shariyar, you’re my Scheherazade!”
Kung payak pa more ay lalo pang matulain,
“Nais ko sa aking pagtulog at paggising
Naroon ka palagi at aking kapiling!”
Simple. Ano, mahirap ba ‘yang intindihin?
Isang simpleng “HI!” o “HELLO!” na may ngiti lang,
Isang yapos na mahigpit pag nagpaalam,
Kaway o palipad-halik na may tinginan,
Ay higit pang makahulugan at matimbang.
Coke na may yelo sanay na ang lalamunan,
Mag-iiba pa lasa kapag hinaluan,
Mainit na kani’t malutong na lechon lang,
‘Wag nang kung ano-ano ilaman sa tiyan!
Ayos lang naman sa akin ang minsa’y tikman,
‘Yung mga simpleng pagkain na binorloloyan,
Subalit ang lasa pa ay pag-aaralan,
Sayang oras baka gutom pa’y malipasan!
Tisert at maong ang sarap ng pakiramdam,
Mas kupas at maraming sira mas mainam,
Nakasulat sa sando dun magpalalim lang,
Itim lang sa akin at lumalaki ang t’yan!
Ginatang bilo-bilo, taho na may sago,
Mantekilyang may alat, pandesal at keso,
Yung ice cream sa pan de limon ilalaman ko,
Ang sarrrap! ‘Yan ang totoo. MABABAW AKO!
At dahil ang Hotdog din ang sa palagay ko
Ang unang nagpa-cute sa “Unang Kagat” nito
Ng Taglish na spelling ng kanta at titulo —
PERS LAB… may regalo sa inyo Ang Poet N’yo!
At dahil din sa December 3 may konsyerto
Sa PICC sa 40th Anniv ninyo,
Pangalawang bahagi ng “Pers Lab” binago,
Ipagpaumanhi’t nagpapa-cute din ako!
Tuwing kita’y nakikita
Ako’y natutunaw
Parang ice cream na bilad
Sa ilalim ng araw
Isa lang naman ang sigurado
Pag nakuha ko na ang ‘yong OO
Ang tunaw na tunaw na ice cream ko
Ay titigas muli dahil sa ‘yo