Nang maisip pangalanan ng Ang Poet N’yo
Ng KALYESERYE ang munting drama sa aming show,
Ni hindi man lang pumasok sa aming ulo —
Sa telebisyon kauna-unahan ito!
Subalit kung talagang iisipin ninyo,
May higit pang mahabang Kalyeserye tayo!
Mas matagal na at mas malungkot pa ito!
“TRAPIKALYESERYE” ng mga Pilipino!
‘Di kaya ang “tropical” na sabi ng dayo
talaga’y TRAFFIC ALL ibig sabihin nito?
Ngek! At ‘di ba medyo mainit sa totoo?
Mainit na mainit na ulo ng tao!
Pagkat sa lakad malamang ang laging huli!
Kalbaryo sa kalye ang seryeng sinasabi!
Yes sir, sinasabuhay natin araw-gabi!
Seryo na trapik at pagrabe nang pagrabe!
Uubra nga raw seryeng ito’y gawing isyu
Sa darating na eleksyon sa ating pagboto,
Kung sino ang makaka-solb na kandidato
Sa trapik, lalo sa EDSA, s’ya na panalo!
Mukha bang katawa-tawa ideyang ito?
Aber, sa trapik ba ay natutuwa kayo?
Ngunit pa’no natin malalaman kung sino?
Eh di sa mga pangalan maglaro tayo!
Ito nama’y kung sakali lang na tatakbo,
Pagkat kulang ang “tuwid na daan” tingin ko!
Ang kailangan natin baluktot man medyo,
Ay DAANG MALUWAG pagdating sa trapiko!
Ang agad-agad pa nga raw na kailangan
Ay hindi “tuwid” kundi TOO WIDE na daanan!
O TWO WIDTH! DOBLE ANCHO kumbaga pantalon!
DOUBLE WIDE roads lang wala nang problema bayan!
Trapik pauubaya sa lalaki syempre,
Kaya si Grace Poe ay ‘wag na nating isali,
Pero baka may umangal at mag-inarte,
Kool lang kulangot, ‘wag maglagot, eh di sige!
Naiisip ko lang na pinakamalapit
Kay Senator Grace na tungkol trapik idikit
Ay walang iba kundi linyang GRACEFUL EXIT…
O, eh di makakalabas ka nang very sweet!
Easy ba at madulas at hindi masikip,
May “RACE” pa sa pangalan, hindi n’yo ba ma-gets?
Ibig sabihi’y pwedeng magkarera sa street
Kasi nga’y maluwag at walang heavy traffic!
Mabilis pang banggitin apelyido n’yang POE!
Simbilis at katunog pa ng GREEN LIGHT na … GO!
Anak pa ni RONNIE, ano katunog nito?
Eh di RUNNING po! Ayun, eh di TUMATAKBO!
Pwede rin si Ping Lacson dahil s’yay PANFILO,
Tunog na maluwag ang dating dahil FUN FLOW!
Ang MAR nama’y tunog MORE… hmmm, more na ano ‘to?
More traffic congestion ba o more roads pa to do?
Pwede pong ipilit na MARUWAG ang daan,
Ngunit magiging tunog naman nati’y sakang!
Sige kayo kapag ipinilit pa rin ‘yan,
Sa pagboto ng tao MAR HUWAG tunog n’yan!
Malinaw pa ‘yung kay MARCOS dahil MORE CRUISE s’ya!
Walang problema si Bongbong, meron pruweba,
Dahil malinaw naman may Marcos Highway pa!
Kay Jejomar Binay ako walang makita!
Ops, no pun intended ‘yan ‘wag kayong magalit,
Ulo na’y sumakit wala akong maisip!
Walang makitang tungkol trapik ikabit,
Baka naman ang iba d’yan merong masilip!
Sa V-P or VEEP lang medyo may nakikita,
Pero ‘yang “veep” pag inulit tunog busina!
Ibig sabihin nun maraming nakapila!
‘Yung V-P tunog BP… Blood Pressure ano pa?!
Madali si DUTERTE tunog DETOUR kasi!
May daan kumbaga upang makaabante,
At eto pa nga sa first name n’ya ang matindi —
RODRIGO, katunog din ay ROAD WE GO! Pwede!
Kung tatakbo nga lang si Bossing na pare ko,
Giginhawa ‘yang trapik natin sigurado!
At bakit naman hindi? ‘Di dahil karantso,
LULUWAG talaga pagkat s’yay si VICKS Sotto!
Teka lang at baka naman sabihin ninyo
Na may kinikilingan lingkod n’yong si AKO,
Si Tito? SISIKIP tingin ko dahil TIGHT TOO!
Ako? May sisikip pa ba sa Ang Poet N’yo?!
Ngek! ito nama’y pampalipas-oras lamang
At nasa sa inyo kung paniniwalaan,
Kung bakit ginagawa kung nais malaman?
Ito kasi resulta pag trapik sa daan!
Dahil sa init, inip, inis sa trapik ba,
Sari-saring “pastime” natututunan baga,
Subalit I’m sure lahat ay nagkakaisa
Na ang lahat NATUTUNAN NA RING MAGMURA!