‘Tanong, Sagot, Gulaman?’
Sa unang pagkakataon sa Problem Solving,
Malalabong tanong n’yo ay palilinawin,
Ang Poet N’yo ngayon talagang pipiliting
Inyong mga tanong dito ay sasagutin.
Sa kahit anong tanong ay may kasagutan,
Ang tanong nga lang kung inyong magugustuhan!
At s’yempre sa aking mga sagot… gulaman?
Tama! GULAMAN… sa MAGULONG KAALAMAN!
Katulad ba nung word na “SCENT” if you are asking,
Kung silent “S” ba o silent “C”, what do you think?
Kung problema mo ‘yan, well… problema ko rin!
Silent ka na lang o kaya’y ‘wag mong gamitin!
“Ang HUMIGIT-KUMULANG po ba’y eksakto rin?”
Well, MORE OR LESS kung ikaw’y aking sasagutin…
“Kung baog po ba tatay, ang anak baog din?”
Sagot sa utol ng anak n’ya sasabihin!
“Pag langgam ba’y namatay s’ya di’y lalanggamin?”
Sa pagkakaalam ko s’ya ay lalangawin,
At kapag langaw naman ay natigok na rin,
Mga UOD naman ang sa kanya’y kakain!
“O bakit maitim ang kili-kili naman
Gayong hindi naman ito naaarawan?”
Sasagutin ko ‘yan kahit may kabahuan —
‘Di ba’t daga’y itim di’t s’yay nasa lungga lang?!
“Ang school o paarala’y second home daw natin,
Kung ganon bakit sabi ng teacher NO SLEEPING?”
Hindi ka rin naman matutulog dun darling
Dahil sa ingay ng bell sa kakukuliling!
“Bakit pag umiinom daw ang mga manok
Ay tumitingala’t sa langit nakatutok?”
Toast to Saint Peter! At alam n’yo ba TILAOK?
TILAOK ay short cut ng TINGALA at LUNOK!
“Kapag SINAMPAL ka raw ng iyong asawa,
Dapat nga bang ikatuwa at PINALAD ka?
At sa mag-asawang sampal ay sino nga ba
Sa kanan at kaliwang kamay ang e-ba-ba?”
Kanan si babae’t kaliwa si lalake
Dahil malimit si mister ang kaliwete!
SAMPAL at SAMPLE… bakit magkatunog ire?
Subukan mong mang-chicks nang MASAMPOLAN pare!
“Why is it WITCH o bruha tawag sa baklita?”
Eh kasi nga which is which, BRO ba s’ya o HIJA!
“Bakla ba’y bakla pa rin kahit may amnesia?”
Aba ewan ko! ‘Wag mo ‘kong tanungin bruha!
“Ano kasalanan ng kulangot na lintik
At palagi na lamang s’yang PINATATALSIK?!
At pangungulangot ba’y ano at which is which —
Gawain ba s’yang malinis o gawaing YIKKKS!?”
Sa mga tanong na ito’y maraming sagot,
At maraming hiwagang dito’y bumabalot —
S’yay dinudukot, kinukutkot, binibilot
At kung saan-saang sulok nagsususuot!
Sa tabi ng kama, sa ilalim ng mesa,
Sa sahig, sa pader ay nangungunyapit s’ya!
Kahit linggo ang bilangi’t balikan mo pa,
Nandun pa rin si kulangot … NANINIGAS na!
“Ang ‘Love at First SIGHT’ po ba talaga’y totoo?
Eh kung ganon ‘yung ‘Love is BLIND’ na ay paano?
Si LOVE ba’y may mata o wala Ang Poet N’yo?”
MERON, dahil pag “in love” may PAGTINGIN tayo!
“Bakit ba pag very CLOSE ka sa isang tao
Eh sa isa’t-isa ay very OPEN kayo?
At marami bang atraso ang mga aso?
Kasi pag dymingel naka-flying kick ito!”
“Tagalog po ba ng UNFOLLOW napikon lang?
Bakit may Fire Exit? Fire Entrance wala naman!
At mga COMFORT FOOD ba ay ang mga lafang
Na nagpapakulo’t sumisira sa tiyan?”
“Kung mundo’y bilog ba’t may apat na sulok ‘to?
Sa breakfast and dinner ba pwede LUNCH BOX dito?
Kung ‘It’s more fun in the Philippines’ ay totoo,
Bakit ang daming OFWs? O, ano?”
Teka, ang dami n’yong tanong… ito na lang last —
“Ano ba mas mabuti sa ipis o cockroach
Kapag nakalulon ka sa kamalas-malas,
Iinom ba ng insecticide o TSINELAS?”
***
Tsitsinelasin ko kayo pag hindi kayo nanuod kina Leche Go at Sugar Brown sa Stars & Beks Café sa Wow, Mali! Lakas Ng Tama! tonight at 9 on TV5.
- Latest
- Trending