Ehem, 24/7 na ang Eat, Bulaga!
Easy! Register, Download and Enjoy sabi nga,
Cellpinoy Henyo na at ubrang isariwa
35 years nito na mga kabanata!
Kaya mga Dabarkads solb na ang problema,
Pwedeng kalaro mo nasa ibang bansa pa!
Mga nakatutuwang “throwbacks” makikita!
EB History halos apat na dekada!
Pero may one portion akong nahuhumaling,
Eto ‘yung tinatawag naming PROBLEM SOLVING,
Alam n’yo bang lokohan lang in the beginning?
Ngayon, may mga tanong mahirap sagutin!
Tulad pag nagtatayo ang tawag ay BUILDING,
But why kahit tapos na BUILDING tawag pa rin?!
At bakit ba ‘yang BRAND X kontrabida dating?
Pinagtutulungan sa commercials apihin!
At eto pa — Bakit ang ninety-nine percent ba
Ng germs napapatay pero meron pang isa?
At bakit, ‘yun bang one percent na natitira
Ay napaka-strong at ‘di mamatay-matay s’ya?!
Maraming tanong na kwela ay galing sa tweet,
Tulad nung, “Hindi ba tao galing sa putik …”
At sa kasunod kami ay napahagikhik,
“Eh kung ganon, bakit marami rin ang plastic?!”
Bakit daw bulaklak sa kasal binabato,
Ngunit sa patay hindi ginagawa ito?
Dapat kasi’y may mag-catch pag ito’y tino-throw
At SUSUNOD kung sino na nga makasalo!
Pag may kailanga’y lumapit lang daw gawin,
Ngunit paano nalulunod pag nag-swimming?
Kanino at saan lalapit mga darling?
Ngek! At ang mga daga ba’y “dinadaga” rin?
Kung kaya nga pag naligo ay ‘wag mag-isa,
Siguraduhing lagi kayong may kasama,
Umayon si Julia at payo ko sa kanya —
Kapag naligo s’ya ay sasamahan ko s’ya!
At pag nalunod ba’y ano mas epektibo
Na isisigaw — HELP! TULONG! ba o SAKLOLO!?
Ito nama’y sa tingin lang ng Ang Poet N’yo —
WALA! Basta sigaw lang ng kahit na ano!
Swerte-swerte ‘yan kung may makarinig sa ‘yo!
Tila magmumura ka pa nga sa tanda ko!
Dun nga sa isang pagkalunod ko sa tatlo,
‘Di nakasigaw! Nakabaon kasi ulo!
Ilog-palaisdaan kasi sa Bulacan,
Noon dun sa Malolos sa Barrio Sabitan,
Nagbabakasyon nun nang aking kabataan,
Sa isang kalaro dun ay nagkayayaan.
Manipis na kawayan na aming tuntungan,
Sa paglundag sa tubig nagkapasikatan,
Pagtalon ng Joey… TSUK! Tusok ang bunbunan!
Burak pala ilalim! Tilapia tawanan!
Ang mga Dabarkads naman paminsan-minsan
Ay may nasasagutang mga katanungan
Katulad ng pagdating na sa paraminhan,
Ano bang salita maghahari-harian?
SANGKATUTAK, SANDAMAKMAK o SANGKATERBA?
O “KATAKUT-TAKOT” kaya ang magbibida?
KATAKUT-TAKOT daw ‘yan ay ayon kay Julia
Dahil tatlong nauna’y simula ay ISA!
ISANG katutak, ISANG katerba nga naman!
ISANG damakmak, o hindi ba may katwiran?
Kung minsan nama’y meron ding natututunan,
Well, natsatsambahan kahit bibihira lang!
At meron din namang payo lang hinihiling,
Tulad kung bad breath best friend pa’no sasabihin,
Advice: Iyo lang sabihin, “Life is so boring…
C’mon let’s try SKY-DIVING! Then let’s try MOUTH-WASHING!”
***
At para hindi boring ang gabi n’yo, watch Wow, Mali! Lakas ng Tama! tonight at 9 on TV5! Once again, it will come to you from STARS & BEKS CAFÉ with your hosts LECHE and SUGAR.