‘More eats, less pounds!’

Kung minsan wala namang planong magpatawa

Ngunit waring sakit na walang lunas na ba,

Likas na lang siguro sa akin talaga

Na lalabas sa bibig isang palabas na!

 

Ang kinatandaan ko na’t dinisiplina

Ay kumapit na nang husto sa ‘king sistema

Kaya kahit anong marinig at makita,

Hinahanapa’t ginagawan ng pakwela!

 

At kung minsa’y masasabi ring pinagpala

Dahil may mga ilang pagkakataon ba

Na ihahain sa ‘yo na nakaplato pa

Tulad nitong nagdaang sa Londres nagpunta.

 

Nabanggit ko na rin lang ang plato kanina,

Dikit sa kanya “nakakatawang” dalawa —

Una, nung dumating ng London sa umaga,

Tinanong ko si Eileen, “Sa’n tayo titira?”

 

“Cafe Royal,” sagot ng aking asawa,

Ngek! Coffee shop lang? At CR pa initials n’ya?!

Subalit nung nasa sosyal na Regent Street na,

Oh wow! Eh Hotel Café Royal naman pala!

 

Ano bang malay ko’t ‘kala ko’y kapeterya!

Anak ng putakti at Five-Star Hotel pala!

From Royalty and celebrity tumira na,

Pati nga creative at notorious kasama!

 

Eh kasi naman mga hotel sa pagkuha

Sa tuwing maglalakbay kami ng pamilya,

Ang dumidiskarte ay si Jocas at Eileen na

At Ang Poet N’yo ang papel lang taga-YAD-BA!

 

Baka TANGA-YAD-BA?! Ngek! O, nakita n’yo na?

Pati nga sa akin NO patawad talaga!

But wait, eto pa ‘yung sinasabi kong isa —

Pagka-check in, pwede pang matulog na muna.

 

“O pa’no, saan ang lunch natin pagkagising?”

“Dinner,” sagot n’ya. Ngek! Mas hilo pa ‘to sa’kin!

Ang diin ko, “Lunch muna bago dinner Eileen!”

“DINNER ang name nung lugar kung saan lunch natin!”

 

Ngek na naman at hindi na ‘yan sa’kin galing!

Dinner by Heston Blumenthal, Two-Star Michelin!

Pag may ganyan ibig sabihin magaling.

Rekomendado at masarap d’yan kumain!

 

At madalas mahal ang dito’y kinakain,

Kung merong kainang may Michelin sa atin?

Well, I’m not sure pero sigurado sa akin,

MICHELIN-LABUYO lang yung sawsawan natin!

 

Next, Berners Tavern pero dessert lang pinunta

Pagkat ‘yung Roasted Coconut Crème Brulee nila

Ewan ko pero parang Maja Blanca lasa!

Kung ‘di ba naman matindi… nakadalawa!

 

Siguro tanong alin dun nakakatawa?

Nag-London pa upang kumain ng bibingka!

Ngek! At nang sa Soho Hotel ay lumipat na

At makumpleto kasama dumoble karga!

 

Burger and Lobster! Naku, ang haba ng pila!

Simpsons-In-The-Strand na Roast Beef naman ang bida!

Rock and Sole Plaice, Fish and Chips s’ympre da bes s’ya!

SAID para sa hot chocolate na meryenda!

 

Sa Borough Market WANGUS Burger pa tinira!

At sa lahat ng ‘yan ang ipinagtataka,

Nadagdagan bigat namin nang libra-libra,

Pero nabawasan ang POUNDS namin sa bulsa!

Show comments