Bakit nagsusulat ang isang manunulat?
Mga dahilan ay kasingdami ng lahat
Ng mga babaing nais na magpapayat!
May simple lamang at merong nakakagulat!
‘Di ba’t ubra ko namang sagutin nang kagyat
Na “marami” ngunit pinahaba pang lekat,
He,he,he Ang Poet N’yo isa ring pasikat!
Naman! Maliwanag pa sa araw na sikat!
Isang dahilan — lakas at kapangyarihan!
May kagustuhan la’t may nais “magpayaman”
At karaniwa’y pulitika kinalaman!
Ngunit Ang Poet N’yo may isa pang dahilan.
Nagsusulat ako nang kapag katagalan
At maglaho na pag-iisip nang tuluyan,
May gagabay at tutulong at pagkukunan —
Magagandang ala-alang pinagdaanan.
At maganda rin daw ito nang makaiwas
Magkaroon ng sakit nitong si Aloysius,
Tunog ng LIMOT at LUMOT pareho halos
Kaya pagulungin ang utak at kamay Bos!
Ang Poet N’yo nga kapag nasa eroplano,
Anong sine-sine? Nagsusulat lang ako,
Mas masarap ang tulog mo pag napagod ‘no
Sa pagsusulat at ngayon nga ay narito.
Nasakyang salipawpaw ay marami na rin,
S’yempre A380 na may apat na engine!
Pati pinakamatuling Concorde imagine!
At ngayon makakatikim na rin ng Virgin!
Ops, Virgin Atlantic Airways ibig sabihin,
Mula sa Hong Kong ay sa London na ang landing,
Yabang aside, kung minsan nga I am traveling
Para naman may maisulat lang na something!
Ngek! Eh ano pa ba naman ating gagawin
Sa buhay? At kung kaya mo ngang pagsabayin
O eh di ‘yan ang pagtrabahuhan mo’t gawin!
Sarap lumipad at ang isip paliparin!
Apat din engine ng sinasakyan kong Virgin,
Airbus A340 – 600 kung tawagin,
Merong bar din at ‘di ko maalis isipin
Na baka mam’ya ‘yung piloto may orderin!
Lumilipad ngayon upang aming balikan
Ni Eileen ang isang dati nang napuntahan,
Sa totoo’y dala ng pakikisama lang,
Pera bang San Roque … I’m a real Anywhere Man!
Saint Rock kasi’y kasali kahit s’ang prusisyon,
And we’ll be somewhere kung sa’n nagmula “Nowhere Man,”
Korek, sa Liverpool ko sila sasamahan —
Si Mike Enriquez at ilan pang kaibigan!
Danee Samonte, Freddie Lozano, Greg Garcia,
S’yempre kasa-kasama ang mga asawa,
“LIVERPOOLGRIMAGE” ang lakad namin kumbaga,
Kami’y kasapi ng Parokya ng Yeah, Yeah, Yeah!
Pagtawid nga pala sa Abbey Road ay may prob,
Eh lima kami’t iconic pic ‘di na sunod,
No prob, si Jose nga nag-cross nang nakahubad!
De tawaging Dave Clark Five crossing the Abbey Road!
Sa Hard Days Night Hotel nanuluyan na naman,
At sa door hanger muli aking katuwaan —
Ito ba ‘yung sabit kung silid lilinisan
O ‘wag munang gambalain ang taong laman.
Nung una kong punta ang “Please Clean My Room” nila
Ay I NEED YOU sa door hanger ang nakaletra!
At imbes “Do Not Disturb” isa pang kanta,
S’yempre, “mamaya na” — LET IT BE makikita!
At ngayon bukod sa dati ay merong bago —
I HAVE A HARD DAYS NIGHT! Bayaan n’yo muna ‘ko!
At ‘yung sign sa “Linisin n’yo ang aking kwarto”?
Ano pa eh di HELP! Ano ba sa tingin n’yo?!
Maraming Beatle Songs pa nga pwedeng gamitin —
WITH A LITTLE HELP FROM MY FRIENDS pag lilinisin,
At pag ‘yung ‘wag n’yo muna akong istorbohin,
Pasok ang DON’T BOTHER ME at I’M ONLY SLEEPING!
I’M SO TIRED and HONEY DON’T ay uubra na rin
Na pang-“Do Not Disturb” sa pinto’y ibibitin,
Pero kung gusto mong room cleaner pag-isipin
At walang sign sa door knob… ‘lagay mo IMAGINE!