‘Hipon, Lollipop O Ice Cream?’
Uso ngayon pagsasalarawan ng tao
Ng kanyang anyo at tunay na pagkatao
Na gamit bagay-bagay at kung ano-ano,
Nakakaaliw at katuwaan lang ito.
Ito’y sa lalaki at babae pareho,
Nung araw sukatan gamit lang ay numero,
Sa panlabas lang resultang makukuha mo
At kung ikaw ay TEN ay panalong-panalo!
Noong araw kung inyo pang naaalala,
Tungkol lang pag-uugali ang nakikita,
Kung ikaw ay “gatasan” tawag sa ‘yoy BAKA!
At kung traydor ka sa pag-ibig ay AHAS ka!
At kung wala kang loyalty ay BALIMBING ka!
IBONG MABABA LIPAD, op kors alam n’yo na,
IMBUDO — lasenggero, chain smoker — TSIMNIYA,
Ngunit may kumakalat ngayong bagong lima —
Una’y maganda ang “physical education,”
‘Yung seksi o ang t’yan maraming pan de limon,
Ngunit ang mukha at ulo’y pwedeng itapon,
Ang tawag nila dito’y mga taong HIPON!
Ang susunod naman d’yay ang kabaligtaran,
Ang ulo sa sarap ay inyong didilaan!
Pag tapos na sa ulo tapon ang katawan,
Ang tawag nila dito ay LOLLIPOP naman!
Medyo talo katawa’t ulo ng ikatlo,
Subalit malaman at ito’y matalino,
Mautak talaga at waring isang henyo
Kung kaya ang tawag sa kanya ay BULALO!
Pang-apat na uri’y isa pa ring dehado,
Hindi rin kaayusan laman hanggang buto,
Ngunit busilak naman kalooban nito,
Makikilala n’yo s’ya sa tawag na BUKO!
Ang huli’y pinaka-una at s’ya na kampeon
Pagkat labas at loob walang itatapon!
Palakpak sa kanya’y malutong na malutong!
Lollipop, Bulalo, Buko, Hipon … Heeere’s … LECHON!
O, nasaan ang kategorya ninyo ngayon?
Sa mga ito meron pa akong addition —
Eto ‘yung maraming pera at “denomination,”
Pero ang singit-singit masakit sa ilong!
Korekek kayo d’yan kung sagot ay PANTALON!
May “sira” rin kung minsan isa pang description,
Solb naman ang bantot pag pinapaliguan,
Ngunit panggastos s’ya talaga ang sisidlan.
Ito ‘yung Dirty Old Men na mayaman
Na amoy lupa’t alimuom na kung minsan,
Mangyayari lang bumango dahil sa lotion,
Maraming mahuhuthot “lechon” man o “hipon”!
Ang Poet N’yo na may kapilyuhan talaga,
Nakuha pang makita ang nakakatawa,
Maraming “pantalon” ang mga natodas na
Dahil sa hipon at lechon sila’y sumobra!
At karaniwa’y natitigok sa ligaya,
Pagkat sa hipon at lechon bukas ang bulsa,
Pag nag-iwan ng byuda bukas din ang mata...
At higit sa lahat bukas din ang zipper n’ya!
Ngek! Subalit maraming “bulalo” talaga
Sa’ting mga Pinoy lalo sa social media,
Pero marami rin d’yan ang mga ANAY ba,
Puro paninira lang alam at wala na!
Patapos na sana ang artikulong ito
Nang isang pahabol naisip ng Poet N’yo,
Mas cute lang sa lechon wala ring tapon dito —
ICE CREAM sa cone! Dinidilaan hanggang dulo!
- Latest
- Trending