‘Feeling Rich!’

Sa pagsusulat at paglalakbay-lakbay ko,

Biglang may napansin at napangiti ako,

Habang tumatagal nagiging paborito —

Spain and Japan na parehong sumakop dito!

 

Kaya bumabalik dati nang sinabi ko

Na bakit ‘di pa kaya nagpasakop tayo?!

He, he, he… at talaga pala na totoo

Na may kahiwagaan ang buhay sa mundo!

 

Maaring matawa sa iba kong dahilan

Subalit malinis at maayos sa Japan,

Malapit lang s’ya at maganda ang panahon

At sa Spain naman sandamakmak ang pulutan!

 

He, he, he… ngunit ang talagang pinupunto

Ay pagkakaiba-iba ng mga tao

Na nalaman ko sa mga paglalakbay ko

Pati rin sa mga nakakasama dito.

 

Pag nasa ibang lupain kahit na sino,

Lalo na sa isang Hotel nakadestino,

Bukod sa ligo isa pang inaantay mo

Ay ang BREAKFAST! Kasama man o hindi ito.

 

Kadalasan sa amin kami’y sama-sama

Minus “Anakonda” o anak kong maganda!

‘Yan si Jocas Eightria ang bunso kong hija

na laging absent sa breakfast dahil tulog pa!

 

‘Di na inalam nun at baka nagdyedyeta,

O baka nagla-laptop at napupuyat s’ya,

Basta kapag breakfast ay ‘di na maalala

Kung kailan ko pa s’ya na huling nakasama.

 

Kelan ko lang nalaman sa aking asawa

Na nung minsang nag-viaje sila lang dalawa

Sa Santorini, Greece at ‘di ako kasama,

Aba’y kumakain ito uma-umaga!

 

Ako ay nagulat at waring nagtampo pa,

Ano, pag wala ako dun lang s’ya may gana?!

Sabi n’ya kasi raw room nila’y may veranda

Overlooking the sea, “PARANG ANG YAMAN KO DA!”

 

Ngek! At may katwiran naman pala ang bata!

Breakfast in your bedroom ay talagang iba nga!

Kahit ‘di pa naliligo at galing higa…

Morning sun sa ‘yong mukha… na meron pang muta!

 

“A good life is full of room service,” ang sabi nga,

Ngunit ganyang eksena naman ay bihira,

Normally kasi shower muna bago chi-cha,

At nakakatamad din kung minsan bumaba.

 

At mahirap din isang maagang agahan

Pagkat matagal pa ang bukas ng tindahan,

Kung kaya kung nasa kwarto ka nga lang naman,

Malalamanan at mababawasan ang t’yan!

 

Ngayon naman kung ako’y inyong tatanungin

Kung saang mga breakfasts aking pipiliin,

Kahit kape lang basta Vegas at Macau rin

Pagkat katabi lang s’ya ng mga slot machines!

Show comments