‘People’s INIS-tiative’

Bago nga pala lahat ay ating simulan,

Gawi ko sa pagsulat ay alam n’yo naman —

Madalas labintatlo ang nakasanayan

Na silabo na ginagamit bawat pahalang.

 

Kung bakit nga ba ay mahabang kasaysayan,

‘Di na rin maalala tunay na dahilan,

Basta mga anak ko sa mga pangalan,

Titik ay labintatlo lahat mga bilang.

 

Basta’t numero trece sa ‘kin ay magaang,

Malimit nga rin dito ay mapag-usapan,

Pag ang uno at tres kasi ay nagdikitan,

Magiging letter “B”… feeling ko ba’y lucky charm.

 

“B” for BUKOL at “B” for BULAGA ang ilan,

At kapag dalawang “B” ay nagtalikuran,

Tila paru-paro ang mailalarawan

O kaya’y swerteng “ocho” kung wala ang halang.

 

At meron pa ngang isang maipagyayabang —

Pinakamahabang Tagalog word lang naman

Ay may labintatlong silabo rin! O, ayan —

NAGSISIPAGSISINUNGASINUNGALINGAN!

 

And “trying to tell lies” ang ibig sabihin n’yan,

‘Yan katotohanan at hindi ako ganyan,

Ang ENTERTAINMENT nga na aking kabuhayan,

‘Yang word na ‘yan thirteen letters din pag binilang!

 

At kung bibigkasin nga “thirteen” ay nariyan —

EN-THIRTEEN-MENT! O, relaks! Nagpapakwela lang!

Huwag mandiri at kung si Mickey Mouse nga d’yan

Na birthday bukas, daga man hinahangaan!

 

Pakatandaang walang maliit-malaki

At wala ring mukhang malinis at marumi,

Kung wala ka ngang numero ay hindi bale,

Kumapit sa akin at sa numero trese!

 

At ‘wag nang magagalit at ulo’y lamigan

Tulad ng panahon ngayon ng Kapaskuhan,

Walang mangyayari kung tuktok iinitan

At baka mainit pa rin sa pupuntahan!

 

Ngek! Kaysa init ay INIS sa pork barrel scam,

Sa galit na ‘yan ‘di ako makikialam

At inis na nga madlang people ng bayan

Kaya tinutulak People’s INIS-tiative d’yan!

 

Ubra ring mainis nangyari sa Senado

Nang si Janet Napoles naging imbitado,

“I in-pork my right” lang naman ang narinig mo

And once again, nagkainitan lang ng ulo!

 

Mainis din kayo sa bagyong si Yolanda

Ngunit sanay na raw tayong masalanta

Mula nang SALANTAHIN at MASAMANTALA

Ng ilan sa Pork Barrel Scam ang ating pera!

 

Mainis din sa nag-name sa bagyong nagdaan,

Nandun ang ebidensya sa mga pangalan —

Simula ng YO-landa bag-YO pinagkunan

At buntot ng ba-HA simula ng HA-iyan!

 

Pupwede ring mainis tungkol dun sa kaso

Nang dahil sa hindi lang nag-sorry Pangulo

Sa Luneta hostage noon ng mga Tsino

Ay baka magka-visa sa Hong Kong na tayo!

 

Ngek na naman! Eh sa mga taong tulad ko

Na lipad nang lipad kaya nagtratrabaho

At getting old na kaya malapit lang gusto

Kaya hanggang Hong Kong na lang… paano na ‘ko?!

 

Ano ba ‘yang ating mga pinoproblema?!

Kung hindi visa eh bagyong bumibisita!

Kung hindi mga “land fall” na isang katerba,

Our “land’s POLS” o yung ilan sa pulitika!

 

KAINIS HA!

Show comments