SUS HI-law!'

Nitong nakaraang punta namin sa Tokyo,

Opisyal na “nabinyagan” ang lingkod ninyo,

‘Di po ako tinule kahit may kutsilyo

At wala ring kamatis kung tinatanong n’yo!

 

‘Di ko rin masabing “baptism of fire” ito

Pagkat wala ngang apoy na ginamit dito!

Subalit ang pagkain at handa alam n’yo,

Waring may binyagan at kasalan pa kamo!

 

At bago pa man kayo tuluyang mahilo…

Kasi nga for the first time ay kumain ako,

Believe it or not sa tanda’t edad kong ito,

Ng sashimi at sushi! At eto ang kwento…

 

‘Di rin maintindihan sarili ko mismo,

Noon, buhay pa ngang hipon tinitira ko!

Babad lang sa suka’t nagtatalunan pa ‘to

Kaya nga “jumping salad” tawag namin dito!

 

At sa talaba bagong tungkab ang gusto ko,

Mas amoy at lasang dagat mas aprubado,

Lemon lang ang katapat at kapatak nito,

Sabi nga, “’Wag n’yo muna ‘kong kukunin D’yos ko!”

 

Hilaw na talaba pa nga ay dinarayo —

Australia hanggang New Zealand pati Monaco,

Talaba? Yes! Pero talaga na ewan ko —

Ang “SUS HI-law” ng Hapon sa ‘kin nun — a no-no!

Hanggang isang araw may napanood ako —

“JIRO Dreams of Sushi” sa aki’y nagpabago,

Biglang handang kumain ng hilaw lingkod n’yo

Basta lang doon sa Sukiyabashi Jiro!

 

Pero anak ng sweet potato! O no, no, no!

Anak ng kamoteng may ulalo! Ano ‘to?

‘Di pala ganon kadali tsumibog dito,

Isa hanggang dalawang b’wan hihintayin mo!

 

Nakapila customers mula buong mundo

At iilan lang sinisilbihan na tao

Ni Jiro Ono at dalawang anak nito!

At eto matindi — otsenta’y syete na ‘to!

 

At dahilan na rin sa t’yaga ng misis ko

At sa hangad makitang nagsu-sushi ako,

Natsambahan nung July 2 dalawang pwesto

Sa bunsong anak nitong si Takashi Ono.

 

Dahil sa tanda na rin hirap na si Jiro,

Pinaubaya na sa anak ang patakbo,

At ayon sa tradisyon mamumuno dito

Ay ang pinakamatanda na anak nito.

 

Tagapagmana ni Jiro’y si Yoshikazu

At ang bunso n’ya ‘di naman sa ambisyoso,

Nagpaalam na magsasarili nga ito

Pagkat sushi master din nasa dugo nito.

 

At binasbasan naman s’ya ng amang Ono

At sa may Roppongi ang kanyang teritoryo,

At kung 3-Star Michelin ang rating kay Jiro,

2-Star naman ang nakuha ng bunso nito!

 

Kaya sa sashimi at sushi na first time ko,

Traditional pa’t sa Sukiyabashi Jiro!

Nais ko lang ibahagi ang tungkol dito

At nung kami ay kumain, kami lang ay pito!

 

Una sa lahat ay meron munang interview

Kung may mga allergies ka at bawal sa ‘yo,

‘Tapos sabihin mo na ang mga ayaw mo,

Katulad ko, sabi ko wasabi ayoko!

 

‘Tapos papipiliin ka ng panulak mo —

Tatlo lang ang pwede — sake, tsaa, H-two-O,

Ngek! Kaya nung natapos agad tumakbo

At naghanap ng Coke punong-puno ng yelo!

 

Next ay tatanungin ka kung ano primero —

Sashimi ba o sushi? ‘Yan ay nasa sa ‘yo,

Pinaubaya ko kay Eileen ang pagboto,

Inuna n’ya sashimi…walang kanin ito!

 

Limang sunod-sunod ang basta sinubo ko,

‘Yung steamed abalone ang pinaka-paborito,

Minsan sa pagsawsaw ko ay merong trapiko,

‘Di pwedeng isawsaw pag ito na’y timplado.

 

Ating sushi master ay may pagka-istrikto,

Sa tradisyon nila may “batas” at “numero,”

Pag may kinagatan ka at nailapag mo

Sa service tray…naku, itatapon nila ‘to!

 

Pagdating ng sushi medyo nangiti ako

Sapagkat may kanin na pero pagtingin ko

Kay Eileen ay sumenyas na busog na ito,

Ngek! Eh merong kasunod pa ngang labintatlo!

 

Kung ‘di ka susuko, suka aabutin mo!

Pero si Takashi inalok ang misis ko

Na igagawa na lang s’ya ng “sushi-lito,”

‘Yung mas maliit nang matikman lang n’ya ito.

 

Last two ay ang eel na anago at tamago,

Parang senyas na TAMA na at GO na kayo!

Pero napansin naming may tamis pareho,

Ayun, kaya pala parang dessert na ito!

 

Sa mahigit isang oras mapapansin mo,

Bunso ni Jiro naka-focus at seryoso,

Wari ba’y isang iskultor, duktor at maestro,

Nang matapos…ngumiti na’t nagpalitrato.

 

Maraming nalaman sa karanasang ito

At angat sa lahat disiplina ng tao

At sa isang larangan ‘di ka man ang ulo,

Tuloy mo lang kung gagawi’y nasa puso mo.

Show comments