^

Entertainment

‘Lipad, Joey, Lipad!’

ME, STARZAN - Joey de Leon - The Philippine Star

Alam n’yo bang monogamous ang mga parrot?

Buong lifetime n’ya isa lang ang sinasagot

At malamang ‘yun na rin kanyang “nililikot,”

In other words, parrot ay hindi haliparot!

 

Ngek! Ngunit karamihan sa ibon talaga

Ay tapat sa mga partner nilang iisa,

Subalit may ilan din ayon sa ciencia

Ang kumakaliwa ng pugad sa kanila!

 

Pero saan nga ba galing ang “haliparot”?

‘Di kaya ito ang sabi ng inang nayamot

Sa anak na medyo maharot at malikot,

“Para ka bang paro-paro HALIP NA PARROT!”?

 

Ang simpleng ibig sabihin nun ay bakit ba

Ang likot mo, makulay at ang porma-porma

At hindi na lang sa isang loro gumaya

At mamalagi na lang sa loob ng hawla.

 

Sigurado akong ang “harot” galing HARLOT

At pwedeng dito nag-ugat ang “haliparot,”

Malandi naman ay malantik o makulot,

‘Yun bang maarte lang at maraming pautot!

 

Salitang “alembong” na noon ay nauso,

Sa ALENG PANABONG pinanggalingan nito

Na gigiri-giri, panay galaw ng ulo,

Tila isang tandang na laging naka-tiptoe.

 

At sabi ng tandang, “quiri, quiri, quiri!”

Kastila ng tilaok habang gumigiri,

At malaki hinala ko na d’yan nagbinhi

Ang maikli subalit matalim na… KIRI!

 

“Paro-paro” nama’y PAROON AT PARITO,

Mapaglaro’t palipat-lipat at magulo,

S’yay pupunta roon at pupunta rin dito,

Dapo, Simsim, Lipad at waring nalilito.

 

Dapo, Simsim, Lipad? Aba’t DSL pala!

Sa Digital Subscriber Line s’ya ang nauna!

Salitang “bubuyog” saan naman galing s’ya?

BUBULONG… KUKUYOG… Tingin ko pinagsama.

 

Kaya “the birds and the bees…” ang naging simbolo

Ng pagliligawan at romansa ng tao,

Samahan pa ng “…the flowers and the trees…” ito,

Dagdagan pa ng b’wan at pag-ibig na tayo.

 

Pero teka, nagtatanong kayo siguro

Bakit may mga pakpak tinatalakay ko?

Bakit hindi eh tulad ko rin mga ito

Na lilipad-lipad at paroo’t parito!

 

Sa katunaya’y lilipad na naman ako

At kasama Dabarkads at ibang EAT–sekto

At sa Sunday, June 30, may Eat Bulaga Show

Sa Hibiya Kokaido, Tokyo… arigato!

 

Lipad, Joey, lipad! At lipad na rin kayo!

Hindi na kailangan pang mag-eroplano

Upang makarating sa lugar na nais n’yo,

Bagwisan ang pag-iisip naro’n na kayo!

 

‘Di ba n’yo napansin karaniwan ang tao

Kapag pinahiling na kung ano pa’ng gusto

Na magkaron s’ya… ‘di naman mata sa noo

Kundi mga pakpak ang isasagot nito.

 

At ang sagot din kung magiging hayop ito,

Hindi ba nga’t ibon kadalasang panalo

At dun na lilinaw ang kalayaang gusto

Na sumahimpapawid at makita mundo.

 

Kaya lipad nang lipad hanggang nabubuhay

Nang ating pamumuhay ay magkaron ng kulay,

Maglaro’t lumipad katulad ng butterfly,

Kapag inispel sa Tagalog ang FLY ay PLAY!

 

But if you’d ask me kung ano paborito ko

Na may PAKPAK, hmmm… ah winged creatures kung ano,

Well, it’s no secret at baka ‘yun nga din kayo —

De ‘yung mga Victoria Secret na modelo!

BAKIT

BRVBAR

DAPO

DIGITAL SUBSCRIBER LINE

EAT BULAGA

HIBIYA KOKAIDO

KAPAG

LIPAD

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with