^

Entertainment

‘Less Miserable’

ME, STARZAN - Joey de Leon - The Philippine Star

Alam n’yo ba na isa sa pinaka-

walang kwenta na pagbati ay “Kumusta ka?”?

At bakit naman hindi’t kasi makukuha

Madalas ay sagot na “Okay lang” hindi ba?

 

At ano ba ibig sabihin nun talaga?

Eh di, “hindi gaanong mabuti” ano pa?

O, “hindi gaanong masama” ano pa ba?

“Okay lang” — pwedeng “pwede na” o “makakaya.”

 

At dun sa nagtatanong at nangungumusta,

Kanyang pagtatanong taos ba sa puso n’ya?

O nakasanayan na lang ganoong linya

Pagkat wala na tayong maisipang iba?

 

Kaya ‘yung simple’t natural ay mabuti pa —

“O pare!”…“Hoy bruha!”…“Hola!”…“Anak ng _ _ _ _!”

O, “Sa’n ka galing?” O kaya’y “Sa’n ka pupunta?”

Buti na ‘yon kahit walang pakialam ka.

 

“Okay lang” — konting buti o konting sama lang,

Ngunit sa tunay, sagot ay totoo naman,

Naturalmente buhay ganyan kalagayan,

Walang perpekto, kaya ‘wag nang itanong ‘yan.

 

Kung minsan ay isang madiin na “hmmm…” na lang

Sabay angat ng kamay sa inyong harapan

At mga daliri ay igegewang-gewang

Na parang seesaw sa kaliwa at sa kanan.

 

Kumbaga nga sa araw-araw na ginawa,

Tayo’y mga manok na panabong ‘ika nga,

Merong manlilipad at merong manlulupa,

Kadalasa’y kung ano kahig ay s’yang tuka.

 

At karaniwang sagot d’yan ay may “less or more” —

More problematic o kaya’y less miserable,

Medyo-medyo, humihinga pa, same as before,

Kibit-balikat na sagot pwedeng bearable.

 

Kaya mas tapat pa ‘yung “Hoy!” sabay kamayan

O kaya’y yapusan at beso-beso na lang,

Sabay tuloy-tuloy na sa mga tsismisan

At buhay na ng iba ang pag-uusapan.

 

Mahirap din ‘yang pagbati ng “Kumusta ka?”

Baka isang araw d’yan ka pa madisgrasya,

Eh kung may isang lokong reaksyon ay iba?

Sagot ay, “Mabuti bago tayo nagkita!”

 

Ngek! Marami pang mga paraang masaya,

‘Yun bang mga pabirong may halong pa-bola

Tulad ng, “Aba, ang donyang napakaganda!”,

Kaya lang baka sumagot, “O, day-off mo ba?”

 

Bwa-ha-ha! Wala na tayong magagawa pa,

Naririyan na ‘yat nakaugalian na,

Kasalanan ‘yan nung mga taong nauna,

Buti pa Indyan pana “How!” lang sabi nila.

 

Karugtong na “are you” ay hindi na sinama,

“Haw de karabaw!” palagay ko’y mas kwela pa,

Buti pa Hapon at yukuan na lang sila,

Mga itim buong katawan gamit nila.

 

“What’s up?” — mahirap din kung ito bibitawan,

Baka balahurang sagot din ang makamtan

At bweltahan ka ng, “What’s up? Eh…everything’s down!”

Ngek na naman! Delikado kaya ‘wag na lang.

 

Piratahin  na lang natin egoy at sakang,

Wala nang sali-salita puro aksyon lang

O gumawa tayo ng Pinoy na batian,

Kindatan kaya para terno sa sutsutan?!

 

Ngunit sa kaalaman lang ng madlang bayan,

Unang television show ko’y ‘yan ang pangalan,

Sa Channel 13 pa ‘yon at ‘yan ang “Okay Lang”,

Oks s’ya kaya lang Martial Law s’yay inabutan!

 

One and a half years din ang itinagal nito,

Labing-siyam kami kasama pa ang APO,

It was a musical gag show…lahat bagito,

Walang mga writers…kanya-kanyang talino.

 

‘Di naman nagkaron ng masamang epekto

Ang “Okay Lang” na titulo sa palagay ko

Sapagkat ang grupong APO at kaming tatlo

After 40 years kami pa ri’y naririto!

 

At s’yempre bakit nga ba aking naitanong,

Naniniwala akong meron itong rason,

At nang rambulin nga letra ng “Okay Lang”,

Lumabas na nga mga salitang KAYA LONG!

 

Ibig sabihin kaya n’ya ang mahabaan!

That’s why mahaba at kaya pangmatagalan!

So sa pagkakataong ito tabla laban,

Ilagay na lang pong okay lang…ang “Okay Lang”.

BRVBAR

BUTI

KAYA

KUMUSTA

LANG

OKAY

OKAY LANG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with