Ops, tiyak naguguluhan na naman kayo
Sa titulo na ngayong Linggong artikulo,
Wika nga dalawang ibon sa isang bato,
Pinagsama ko lang dalawang events dito.
Eh kasi nga kahapon ay anniversary
Ng Tour Eiffel sa Paris... one hundred twenty-three!
At ngayon naman ay April Fools’ Day mon ami,
Kaya Happy Eiffel Fools’ Day sa inyo. Pwede.
At bukod pa nga sa naunang kaugnayan,
Ito’y baka hindi n’yo lamang nalalaman,
Na ang April Fools’ Day ayon sa kasaysayan,
Sa lugar na ito ng France ang pinagmulan.
Pag nasa Paris goodtime ang ibig sabihin,
Magandang tanawin, shopping, pasyal, pagkain,
At ngayong April Fools’ Day kung walang gagawin,
Eh di magwala, manloko at mang-goodtime din!
Basta ngayon tayo na la’y magpakagulo,
Lokohi’t tawanan na lang kahit na ano,
Kunsabagay naman may kasabihan tayo —
Para maging lukayo dapat matalino.
Hindi ba’t malamang ang salitang “lukayo”
“Luko-luko kayo” nagmula’t ‘di malayo,
Kaya ngayong araw tayo na la’y maglaro
Kahit sabihin pa ng iba na ang labo.
Magpapakatililing na lang ako today.
Let’s get crazy on April Fools’ Day or All Fools’ Day,
Let’s celebrate the events of today and yesterday,
“An all fools a day keeps the doctor away!” Yehey!
Awful ba o cool lang? Mukha na bang may kulang?
Paminsan-minsan dapat tayo’y ganito lang,
Huwag masyadong seryo minsa’y maging bu-ang,
‘Wag masyadong pa-“cerebral”... pa-“mental” naman.
Alak ‘di kailangan nang dila’y lumuwag,
Paminsan-minsan buhok ninyo ay ilaglag,
May pagkakataong masarap ding maghubad,
Inyong pakatandaan... may “saya” sa sayad.
Tama ngayon ay ‘yung parang may tama ako,
Alam n’yo ba kung sinong may birthday sa Linggo?
Eh di ‘yung great teacher madalas naka-bad-hu,
Batiin natin s’ya ng Happy Buddha to you!
Pero ‘wag magulo sa isang isang Linggo,
Paglubog ng Titanic ang araw na ito,
Kasi naman ang “boat” kapag binaliktad mo
Ay “taob” ang lalabas kapag binasa ‘to!
Aba’t kailan lamang ay napag-alaman ko
Na nun palang ika-labing-anim na siglo,
Ang bagong taon ay ngayon — Abril a-uno,
Ngek! Kaya Happy New Year din nga pala to you!
O, hindi ba nasisira ang ulo ninyo?
Hindi kaya dahil d’yan ang araw na ito?
Kaya All Fools’ Day dahil nagkagulo-gulo
Nang palitan ang New Year at maging Enero.
Isa lamang ang ibig sabihin nito —
Wala pala talagang oras na eksakto!
Mula kasi nung araw ay pabago-bago,
Putukan pala nun ay sa bulutong lang n’yo!
At mas maikli yata noon mga taon,
Naruong naging sampu sa isang panahon,
Kaya pala bilang ng mga edad nuon
Abot ng limang daan... may pagkakataon.
Kung kayo tatanungin ano palagay n’yo?
Mga buwan ba sa bawat taon ay ano...
Dadagdagan o babawasan ang gusto?
Ibig ko’y dagdagan para maraming sweldo!
O pa’no, ayos na All Fools’ Day ko siguro?
Pero what if hindi ako naging “maloko”
At sa pinag-gagagawa ko’y naging diretso,
Buhay kaya’y paano na magiging takbo?
At kung minsan nga tuloy ay naiisip ko —
Mas kwela pa sana kung iba ang ka-trio,
Impeach ko na kaya si Tito at Vic Sotto?
At ipapalit ko’y si Crispin at Basilio!