'Mga Bayani Nating Beatles'
Two Sundays ago, dito’y aking inihanda,
Kung nabasa ninyo ay “Ang Dakilang Lumpia,”
‘Di akalaing may ilang hindi natuwa,
Alaala daw ng bayani ay sinira.
Hoy, excuse me po! Ang layo naman sa lumpia
Nung iniisip n’yong “dakila” at salita,
Pero kung sa tingin nga ako’y nagkasala,
O eh di sige na’t sasadyain ko na nga.
Kung si Apolinario tinutukoy baga,
Kunin unang anim na letra ng ngalan n’ya,
Rambolin mo at ano iyong makikita?
APOLIN — dyinambol — O, hindi ba nga’t LONPIA?
O siya, lonpia na o lumpia kung gusto n’yo,
Basta’t dakila na lamang sila pareho,
Isang matalino at isang piniprito;
Isang may polio at isang merong repolyo.
At baka nakakalimutan n’yo nga pala,
Kaya rin ako narito sa Inglatierra
Ay dahil sa taon ding ito makikita
At gaganapin nga dito ang O-lumpia-da!
Oo na, Olympics na o Olimpiyada,
From lonpia to Londres naman ngayon ang drama,
Sino namang bayani ang maaalala
Pag nasa Londres ka? Eh di si Andres, sino pa?!
Sapagkat tulad din nina Rizal na hero,
May mga bayani rin akong tagarito,
Mga dakila ring sina John, Paul, George, Ringo,
‘Di nga K-K-K pero Yeah, Yeah, Yeah naman ito.
At meron pang isang nadiskubrihan ako
Na tiyak tatayo ang inyong balahibo —
Mabini at Beatles tunay na konektado —
Apple Records isa ... isa’y APOLinario!
Katulad ni Rizal at Andres Bonifacio,
Binaril din si John sa New York nga lang ito,
Isa pang hawig na kikilabutan kayo —
Si Pepe’y sa Bagumbayan... bago? Eh ‘di NEW?!
Katabi pa ng parke nangyari pareho,
Kahit si Rizal dun bumagsak na mismo,
Sa may Central Park si John... Luneta Park si Joe,
At sa “Mabini-Harrison” ano ang say n’yo?
At kung Beatles nga mga Pinoy nating hero,
Sino sa kanila ang sa Dakilang Lumpo?
Si Pule Mabini ang may papel na Ringo,
Sapagkat lagi na lang nakaupo ito.
Nge-ngek na naman ang mga seryo sarado,
Anak ng Liverpool katuwaan lang ito!
Mga taong ito’y mga buto na’t bato,
Smile na lang kayo’t ayos na ang buto-buto.
Sapagkat at last ay nakatulog din ako
At the Hard Days Night Hotel about five days ago,
Kaya nga’t ear to ear ang pagkakangiti ko
At ‘yung “sleeping like a log” pala ay totoo.
At bakit naman hindi at kung magtrabaho —
“Working like a dog” din ‘di nga lang ngiting aso,
‘Di kaya pagka-Year Of The Dog ko sineryo?
Buti’t hilik at ‘di alulong pagtulog ko.
Masarap at mahimbing naghihilik ako,
Mabigat ang tulog pagkat pounds ang bayad ‘no!
“There are places to remember”... sabi nga dito,
“And then there is the Hard Days Night Hotel.” Toodeloo!
- Latest
- Trending