'Fun-nalo o fun-ngit?'

“It’s more fun in the Philippines” ang bagong slogan

Ng Department of Tourism na bininyagan,

Ngunit sa third word ako ay nahihirapan,

Kasi nga the word “funeral” simula ay FUN!

Pagpasensyahan na’t nagpapatawa lamang,

FUN-nalo o FUN-ngit? Fun-yeta! War na naman!

Fun-nandalian nga lamang ‘yung dating slogan

Na “Pilipinas Kay Ganda” na pinalitan.

Mula sa “maganda” “masaya” tinunguhan,

Bigla tuloy nanumbalik sa ’king isipan

Ang “Maganda” at “Masayang Tanghali Bayan” —

Mga kinain ng Eat, Bulaga! sa laban!

Wowowee! Acheche! MTB naman kasi,

Unang dalawang letra tunog agad “empty,”

At ‘yung huling dalawang letrang magkatabi

Ay katulad ng sakit ako’y pasintabi.

Siguro nga’y dapat din nating pag-aralan

Mga nilalaman ng titulo at slogan,

At mga “negatibo” ay ating hanapan,

Wala namang mawawala ang kasabihan.

At s’yempre babase ka rin sa kasaysayan,

Hindi ba nga’t leksyon galing sa nakaraan?

Pero teka meron lang akong babalikan,

Napa-wowowee kanina’t kinilabutan.

At bakit naman hindi’t nakalimutan lang

Na “Wow Philippines” ay nagamit na rin naman,

Kung ito’y pahiwatig bakit ‘di subukan —

“Mabubulaga Ka Sa ‘Pinas” gawing slogan.

Nang matanong nga din ilang mga artista

Kung why it’s more fun in the Philippines talaga,

Dahil may isaw daw dito’t fish ball, carioca,

O, eh di “EATS More In The Philippines” ibenta.

At meron pang isang problemang natuklasan —

Ang bagong slogan ginamit na ng Switzerland,

Akalain n’yo bang nun pang nineteen fifty-one,

Ayan, gaya-gaya na naman ang tuksuhan.

Sa palagay ko lang ang pinakamaganda,

Dahil “Philippines” parang mahirap ibenta,

Pag may bagong slogan laging may kumokontra,

Bakit ‘di “Philippines” ang ibahin na muna?

Baka lang kasi may mga nagsasawa na

Sa tunog ng ngalan ng bayang sinisinta,

At gusto na lang nila sila ay matawa,

Bakit ‘di “EPALIPPINES” ipalit na muna?

Hay naku, wala na d’yang pinaka-da bes pa

Para natin mahila maraming turista,

Bawasan fun-gugulang, fun-nanamantala,

Kaligtasan ang una sa mga bisita.

O sige, suko na akong ang “EAT BULAGA”

Ay hindi nga pang-slogan ng turismo yata,

Mag-iisip muna ‘ko at pansamantala,

I’ll have fun muna dito sa London gagala.

Pero salamat na rin sa pagiging parte

Ng Eat, Bulaga! mula nueve, dos at siete,

We would like to thank you for making us rich, este

REACH thirty-three years pala on TV... he, he, he.

Show comments