Nadadamay kay kumpare

Dear Dr. Love,

Tawagin na lamang ninyo akong Mr. Tapat. Ako po ay isang tapat na asawa at ama. Su-balit nitong mga nakaraang buwan, nagkaroon po kami ng hindi pagkakaunawaan ng aking misis dahil sa isang insidente na hindi ko naman kasalanan. Mayroon po kaming matalik na kaibigan, isang kumpare na nadiskubreng may ibang babae. Nang kumalat ang balitang ito, biglang nagbago ang pakikitungo ng misis ko sa akin. Naging mainitin ang kanyang ulo, laging may pagdududa, at madalas akong binabantayan. Kahit wala naman akong ginagawang masama, pakiramdam ko ay isa akong kriminal na kaila-ngang magpaliwanag sa bawat galaw ko.

Sinabi niya sa akin na kung nagawa iyon ng kumpare ko, malamang daw ay magagawa ko rin ito. Pilit kong ipinaliliwanag na hindi ako kagaya ng iba at kailan man ay hindi ko magagawang lokohin siya. Ngunit sa halip na maniwala, tila lalo lang siyang nagdududa.

Mahal ko ang aking asawa, Dr. Love, at ayaw kong masira ang tiwala niya sa akin. Pero hindi ko rin alam kung paano ko siya mapapanatag. Napapagod na rin ako na laging ipinagtatanggol ang aking sarili sa kasalanang hindi ko naman ginawa. Ano po ang dapat kong gawin?

Mr. Tapat

Dear Mr. Tapat,

Ang nangyari sa inyong kumpare ay isang masaklap na karanasan, ngunit hindi ito na-ngangahulugan na lahat ng lalaki ay gaya niya. Kailangan mong iparamdam sa iyong misis na hindi ka tulad ng inyong kumpare. Gawin mo ito hindi lamang sa salita kundi maging sa pamamagitan ng iyong mga gawa.

Maging mas bukas at transparen ka. Kahit hindi mo obligasyon na ipakita ang iyong cellphone o sabihin lahat ng iyong ginagawa, gawin mo. Minsan ay nakakatulong ito upang mawala ang kanyang pangamba. Kausapin siya ng seryoso. Ipaliwanag mo na ang tiwala ay dapat parehong ibinibigay. Kung patuloy siyang maghihinala kahit wala kang ginagawang masama, maaaring mauwi ito sa lamat sa inyong relasyon.

Sabihin mong handa kang gumawa ng paraan upang mapanatag siya, pero kailangan din niyang matutong magtiwala muli.

Iwasan ang anumang sitwasyon na magbibigay ng dahilan sa kanya para magduda. Maging maingat sa pakikitungo sa ibang babae, lalo na kung sensitibo ang asawa mo sa ganitong usapin. Mas mabuti nang umiwas kaysa magpaliwanag nang paulit-ulit.

Ang tiwala ay parang salamin—kapag nabasag, mahirap buuing muli. Ngunit kung may pagmamahal, pasensya, at bukas na komunikasyon, posibleng mapanatili ang tibay ng inyong pagsasama. Nawa’y maging maayos ang inyong relasyon at maibalik ang tiwala sa iyo ng iyong asawa.

DR. LOVE

Show comments