Suka at toyo
Dear Dr. Love,
Kakatuwa man kung iisipin, pero dahil sa suka at toyo ay nabuo ang pag-iibigan namin. Matagal na akong nagdi-deliver ng suka, patis at toyo.
Tawag nga nila sa akin ay Amang Suka. Amado ang tunay kong pangalan.
Pumapayag akong tawagin na Amang Suka. Pero may isang tindera na ang laging tawag sa akin ay si kuya na amoy suka.
Noong una, nagagalit ako sa kanya dahil parang sinasadya niya kapag dumarating na ako, sumisigaw na siya na si kuya na amoy suka.
Imbes na kumprontahin ko ang tinderang iyon, nagpa-impress na lang ako sa kanya. Kaya ang tawag ko naman sa kanya ay si ateng may toyo.
Siya naman ang nagalit sa akin.
Simula noon, nagbibiruan na kami. Habang tumatagal, parang sabik na sabik akong mag-deliver sa kanila.
Naging iba ang nararamdaman ko para sa kanya, hanggang sa nagpaalam ako sa amo niya para ligawan siya.
Nalaman ko na ang pangalan niya ay Anita.Nagde-date na kami.
Dinadaan ko siya sa simbahan at kumakain kami ng lugaw. Nadiskumbre ko pa na mahilig siya sa sawsawang pinaghalong toyo at suka. Talaga naman!
Sinagot niya ako dahil bagay daw kami, suka ako at toyo naman siya. Ang sabi ko pa, lagyan namin ng sili para mainit ang aming pagsasama.
Sinong mag-aakala na dahil sa suka at toyo, may love life na ako. Excited na ako para sa future naming dalawa.
Amado
Dear Amado,
Maraming salamat sa pagbabahagi sa nakakatuwa ang love story ninyo. Hindi natin talaga alam, kung minsan akala natin na magkaiba kayo pero kayo pala ang dapat pagsamahin. Parang toyo’t suka.
Nagutom tuloy ako, parang gusto ko ng tokwa na sinasawsaw sa toyo’t suka. More power sa inyong dalawa!
DR. LOVE
- Latest