Bumalik sa bisyo
Dear Dr. Love,
Nakilala ko ang naging asawa ko sa isang drug rehabilitation center. Pareho kaming drug user noon na nagdesisyong magpa-rehabi. Tawagin mo na lang akong Tata, 26 anyos na ngayon.
Sa loob ng halos isang taong pamamalagi namin sa rehab center, naging magkaibigan kami. First time kong napasok doon, pangalawan beses naman ang napangasawa ko dahil guma-ling na siya pero nalulong muli sa bisyo.
Ang sabi niya sa akin, kapag nagkatuluyan kami at naging mag-asawa, hindi na siya magbibisyo at magiging mabuting asawa siya at ama sa aming magiging anak. Ganon nga ang nangyari, Dr. Love.
Sabay kaming lumabas ng center. Makalipas ang anim na buwan ay nagpakasal kami. Maayos ang pamumuhay namin dahil nagkaroon siya ng magandang trabaho. Tinupad niya ang pangakong pagbabago. Ang malungkot lang, makalipas ang isang taon isang pagsubok ang dumating. Natanggal siya sa trabaho. Sinikap niyang maghanap nang paulit-ulit pero bigo siya.
Ito ang naging dahilan ng depssion niya na sa palagay ko ay siya ring nagtulak sa kanya na hanapin ang maling paraan para makalimot sa problema. Sa nakita kong sachet sa bulsa ng kanyang pantalon, nangangamba ako na bumalik siya sa bisyo ng pagdodroga.
Ayaw ko na po mamuhay sa bangungot na hatid ng bawal na gamot, Dr. Love…ano po ang dapat kong gawin? Pagpayuhan po ninyo ako.
Tata
Dear Tata,
Hindi nawawala ang pagsubok sa buhay ng bawat tao. At sa yugto na nawalan ng tra-baho ang iyong asawa, nanlumo siya na naging dahilan ng kanyang pagka-depress. Isang ka-lagayan na hindi basta matatakasan at marahil sa kanyang kahinaan ay ginusto niya kumawala sa reyalidad. Ang masaklap lang, hinanap niya ang pansamantalang paglimot sa problema, pero may dulot na panibagong suliranin.
Kung kailangan niyang muling magpa-rehab, himukin mo siyang bumalik sa rehabilitation center. Baka naman mapili siya sa trabaho kaya nahihirapan siyang makakuha?
Sabihin mo na kahit maliit ang sahod ay tanggapin na niya hanggang makakita siya ng trabahong may mas malaki ang kita.
Dr. Love
- Latest