Bulag
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang akong Jess. Mula nang mabulag ako sanhi ng sakit na diabetes, naging miserable ang buhay ko. Iniwanan ako ng asawa ko na akala ko ay tunay na magmamalasakit sa akin.
Napilitan akong mag-aral magmasahe upang kumita para sa aking pang-araw-araw na kailangan. Isang suki ko ang nagmalasakit sa akin para maisulat ko sa iyo ang aking kasaysayan. Naging mabuti ang Diyos sa akin.
Binigyan Niya ako ng katuwang sa buhay, si Celia. Nagmamasahe rin siya at isang mata lang ang bulag. Dahil hindi ako kasal sa una kong asawa, nagpakasal kami at sa tulong ng aming naipon ay nagtayo kami ng isang maliit na karinderya na siya at ang kanyang bunsong kapatid ang nagluluto at namamahala.
Patuloy din akong nagmamasahe para hindi maging pabigat.
Nagpupuri ako at nagpapasalmat sa Diyos.
Jess
Dear Jess,
Thank you sa story mo na nakapagdudulot ng inspirasyon sa iba na may katulad na situwasyon. Kapag dumating sa buhay ang matinding unos, naririyan ang ating Diyos na mapagkalinga.
Hindi Niya tayo pababayaan o iiwan sa miserableng kalagayan. Mahalin mo ang iyong asawa na siya mong magiging ilaw hanggang sa kamatayan.
Dr. Love
- Latest