Binantaan ng kalaguyo
Dear Dr. Love,
Armand na lang ang itawag mo sa akin, 37 anyos, may asawa, isang anak at kalaguyo. Mula nang pumasok ako sa bawal na relasyon ay minalas ang buhay ko.
Natanggal ako sa trabaho at halos kalahati lang ng dati kong suweldo ang tinatanggap ko. Tapos, nagkaroon ng malubhang sakit ang aking kaisa-isang anak. Salamat sa Diyos dahil gumaling siya.
Hindi kaila sa misis ko na nagloloko ako at iyan ang dahilan ng aming pag-aaway. Ayaw ko kasing umamin.
Dalawang taon na kami ng babae ko. Napapaisip ako ngayon na marahil ay pinarurusahan ako ng Diyos sa mga kabuktutan na ginagawa ko.
Dahil dito ay nakikipagkalas na ako sa aking kalaguyo pero ayaw niya kaming magkahiwa-lay.
Mag-iiskandalo raw siya kapag iniwanan ko siya. Sabi niya, magpapabuntis siya sa ibang lalaki at kapag malaki na ang kanyang tiyan ay iiskandaluhin niya ako sa harap mismo ng aking asawa.
Alam kong tototohanin niya ‘yun. Ano ang mabuti kong gawin?
Armand
Dear Armand,
Ang gawin mo ay humingi ka ng tawad sa misis mo at aminin ang totoo.
Tiyakin mo lang na hindi ka na uulit sa ginawa mong kasalanan. Talagang ang pagpasok sa bawal na relasyon ay magdudulot ng kamalasan sa buhay may asawa. Dahil walang lihim na hindi mabubunyag, kahit pa ang pinakatagutago.
Huwag mo nang hayaan na ang pananda-liang kasiyahan ng laman ay sumira sa iyong pamilya dahil mayroon kang anak na lubhang maaapektuhan.
Kahit pa ipangalandakan ng kalaguyo mo na binuntis mo siya, kung alam ng asawa mo ang banta niya ay hindi niya ito paniniwalaan.
Kung sakaling ihabla ka niya at humingi ng sustento sa kanyang anak, may DNA test na puwede mong asahan para pasinungalingan ang kanyang ipangangalandakan.
Dr. Love
- Latest