Ayaw mag-isa ni Munding
Dear Dr. Love,
Matanda na ako sa edad na 71 at nag-aalangan akong humingi ng payo lalo na sa pag-ibig. Wala pang isang taon nang mamatay ang misis kong si Metring.
Nag-iisa na lang ako sa buhay sa sampung ektaryang taniman ko ng mangga. Masasakitin na rin ako kaya kumuha ako ng makakatulong, ang aming labandera na si Senyang, 54 anyos siya at matandang dalaga. Mula nang 25 anyos siya ay katulong na namin siya. Siya na rin ang nagsisilbi kong caregiver.
Pero malungkot ako nang magpaalam siya sa akin. Pipisan na raw siya sa kanyang kapatid na lalaki na matanda na rin at sakitin. Dr. Love, gusto ko siyang pakasalan dahil mabait naman siya.
Mahal ko na rin siya at ayaw kong mapag-isa. Ano gagawin ko?
Munding
Dear Munding,
Eh, kung gusto mo siya, ligawan mo siya. Tapos, imbitahan mo ang matanda niyang kuya na sa inyo na tumira. Hindi mo mababatid ang saloobin ni Senyang kundi ka magtatapat.
Good luck sa iyo.
Dr. Love
- Latest