Gaya-gaya sa kapitbahay
Dear Dr. Love,
Maraming pagkakataon na pinagtatalunan namin ng misis ko ang hilig niyang manggaya sa mga nakikita niya sa kapitbahay namin. Hindi naman masama ang maghangad na umasenso, ang hindi gusto ay kung ano ang binili ng kapitbahay ay ganon din dapat ang bilhin namin.
Kahit sa mga bata, kung sumali sa isang contest, sports o kahit mamamasyal kung saan, ganon din ang gusto niyang gawin namin.
Maalwan po ang buhay ng kapitbahay namin na ito, dahil pamilya sila ng mga negosyante. Habang kami ay pangkaraniwang empleyado na galing sa isang kahig, isang tukang pamilya.
Makailang beses ko nang sinukan na paliwanagan siya na sana maunawaan niya na magkaiba ang estado ng buhay namin kumpara sa aming kapitbahay. Pero nagpapaulit-ulit lang ang senaryo, na nauuwi sa hindi pagkakaunawaan.
Masikap naman po ako at nangangarap din na umasenso sa buhay. Pero alam ko naman na hindi ‘yun nakukuha sa isang iglap lang.
Pagpayuhan po ninyo ako kung paano ko mapapa-realize sa aking misis na wala pa kami sa kapasidad para magkaroon ng lifestyle gaya ng mayaman naming kapitbahay.
Andres
Dear Andres,
I feel you. Pero sa kabila ng lahat, pinaka-mabuti na huwag kang manghinawa na unawain at paliwanagan ang iyong misis. Sikapin mo na gawin ito nang may pagmamahal.
Baka naman kaya nagkakaganyan siya ay nawawalan na kayo ng panahon para sa isa’t isa. Kung kaya nakapokus siya sa kapitbahay at hindi sa sarili ninyong pamilya. Hikayatin mo siyang magtipid at mag-ipon para sa mga pagkakataon na may hangarin siyang bilhin, puntahan, kainin o isali ang inyong mga anak ay may means kayo para maisakatuparan ‘yun.
Huwag mo rin kalimutan na ipagdasal ang misis mo para mabago ang mindset niya sa buhay, gayundin naman hingin ang gabay ng Maykapal para sa maayos sa samahan sa inyong tahanan.
DR. LOVE
- Latest