Altas bagsak sa Blazers
MANILA, Philippines — Inilista ng College of Saint Benilde ang ikaapat na sunod na panalo matapos gibain ang University of Perpetual Help System DALTA, 78-51, sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Tumipa si Justine Sanchez ng game-high 13 points para gabayan ang Blazers sa 4-0 record na kanilang best start sa ilalim ni coach Charles Tiu.
“I give my credit to the players. They really defended well. Kasi I’ve been telling them the past week that Perpetual is a really strong team with a great coach. So I’m just happy the players delivered,” sabi ni Tiu.
Nagdagdag si Winston Ynot ng 12 markers habang may 10 points si Gab Cometa.
Laglag ang baraha ng Altas ni mentor Olsen Racela sa 2-2.
Sa simula pa lamang ng laro ay kaagad umarangkada ang St. Benilde sa first quarter, 32-19, at isinara ang first half tangay ang 50-29 kalamangan patungo sa pagpoposte ng 29-point lead, 69-40, sa pagsasara ng third period.
Mula rito ay hindi na nilingon ng Blazers ang Altas.
Tumapos si rookie guard Mark Gojo Cruz na may 11 points at 10 rebounds para sa Perpetual at nag-ambag si Shawn Orgo ng 10 markers.
Sa ikalawang laro, kinuha ng Jose Rizal Heavy Bombers (1-3) ang 90-74 panalo kontra sa San Sebastian Stags (2-2).
- Latest