Nagsisisi na naging suwail

Dear Dr. Love,

Ngayon ako nagsisisi kung bakit naging suwail ako sa magulang. Tawagin mo na lang akong Maridol, 22 anyos.

Nag-aaral ako ng Medical Technology nang sumama akong makipagtanan sa boyfriend ko na isa lamang tambay sa lugar namin.

Noon pa ako pinagsasabihan ng nanay at tatay ko.

Magtapos lang daw ako ng kurso at malaya akong makipag-boyfriend kahit kanino na gusto ko. Pero masyado akong na-in love sa boyfriend kong si Jake kaya sumama ako sa kanya.

Wala pa kaming isang taon at damang dama ko na ang hirap dahil lagi kaming tapos sa budget.

Nangangalakal lang ng basura si Jake. Nahihiya akong lumapit sa parents ko. Ano ang gagawin ko?

Maridol

 

Dear Maridol,

Kahit nasa wastong gulang ka na, nasa poder ka pa rin ng magulang mo dahil pinapaaral ka nila.

Kausapin mo si Jake at sabihin mo na para sa ikabubuti ninyong dalawa ay tapusin ninyo ang inyong pag-aaral.

Magbalik ka sa parents mo at humingi ng tawad. Tiyak kong patatawarin ka nila.

Masyado ka lang nagpadala sa kapusukan at hindi mo na inisip ang kahihinatnan ng inyong pagsama sa boyfriend mo.

DR. LOVE

Show comments