Kasal ‘di natuloy dahil sa paninira
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Hilda, 24 anyos. Nakatakda na sana akong ikasal sa boyfriend ko nang bigla na lang siyang umatras sa aming balak na pagiisang-dibdib.
Ikinabigla ko ito ng sobra at talagang nasaktan ako sa sinabi niya na lihis sa katotohanan.
Nalaman daw niya na may nauna ako nakarelasyon at nakuha na ang aking pagkababae. Nagngingitngit ang kalooban ko, Dr. Love.
Pero ayaw naman niyang sabihin kung sino ang makating dila ang nagsabi sa kanya nun. Dahil sa kahit kaninuman ay kaya kong sabihin na malaking kasinungalingan ‘yon!
Totoong nagka-boyfriend ako noon pero kahit pinipilit niya ako ay hindi ko ibinigay ang pagkadalaga ko dahil inirereserba ko ito sa lalaking pakakasalan ko.
Ang duda ko, ‘yung mismong ex ko ang nagkalat ng maling balita. Kasi nakikipag-ayos siya sa akin dahil gusto niyang magbalikan kami, pero ayaw ko na.
Sumusumpa ako na kahit ako ay millenial, tunay na konserbatibo ako at talagang nagpapahalaga sa virginity.
Ang problema ay kalat na kalat na sa aming lugar ang mapanirang balita. Alam ko naman na suntok sa buwan kahit pa isaisahin ko silang kausapin para ipagtanggol ang sarili ko.
Dahil hindi ko kontrolado ang kanilang pag-iisip.
Paniniwalaan nila ang gusto nilang paniwalaan.
Ano ang gagawin ko?
Hilda
Dear Hilda,
Ang mahalaga, batid mo at ng Diyos ang katotohanan. Basta’t ang budhi mo ay malinis, huwag mo nang intindihin ang maling akala ng iba.
Ituloy mong ipaliwanag sa boyfriend mo ang katotohanan at kung ayaw ka pa niyang paniwalaan, wala ka nang magagawa kundi harapin ang katotohanan.
At least nakilala mo ang kanyang pagkatao. Ang madaling maniwala sa sabi-sabi at walang bait na sarili.
Dr. Love
- Latest