Maling akala
Dear Dr. Love,
Sana ay magsilbing aral ang kasaysayan ko sa iba na madaling humusga sa pagkatao ng iba. Tawagin mo na lang akong Isay, 30 anyos at may asawa na napaka-iresponsable.
Noong dalaga pa ako, may nanligaw sa akin na type ko sana pero isa lamang kargador sa palengke. Kahit may gusto ako sa kanya, pinili ko ang napangasawa ko ngayon dahil siya’y nag-aaral sa college at mula sa disenteng pamilya. Nagkamali ako ng pagpili.
Nakatapos nga ng management ang mister ko pero walang mapasukang trabaho dahil mapili. Komo management graduate, gusto niya manager agad.
Samantala, ang lalaking minaliit ko ay nakapagtapos ng computer engineering at nakapasok sa isang malaking kompanya. Ang napangasawa niya ay best friend ko pa. Napakaganda ng buhay nilang mag-asawa at may bahay at sasakyan na. Kami naman ay nangungupahan sa isang bulok na murang apartment.
Paano ko maeengganyo ang mister ko na magtrabaho?
Isay
Dear Isay,
Wala ka nang magagawa, magsisi ka man. Siya ay asawa mo na maliban kung magpa-file ka ng annulment at gawing dahilan ang pagi-ging iresponsable niya.
Sabihin mo sa kanya na ang lahat ng tao ay nag-uumpisa sa ibaba at sa kuwalipikasyon niya, tataas din ang posisyon niya.
Maliban na lang kung gumagawa lang siya ng dahilan dahil tamad lang talaga siya at ayaw niyang magtrabaho. Sayang naman ang ginastos sa kanya ng mga magulang niya kung hindi niya gagamitin ang pinag-aralan
Dr. Love
- Latest