Nagtuturuan kung sino ang kakalinga sa ama
Dear Dr. Love,
Ako po si Mang Danilo. Nakakahiya man po ay gusto ko ibahagi ang aking sitwasyon sa buhay ngayon. Malalaki na po ang aking mga anak. May sarili na silang pamilya. ‘Yun pala talaga ang madalas mangyari sa magulang kapag malaki na ang kanilang anak, parang nagkakaroon ng amnesia ang kanilang anak.
Siguro kung mayaman ako ngayon, baka pianag-aagawan ako mga anak ko. Pero alam nilang pabigat lang ako sa kanila kaya nagtuturuan sila kung sino ang mag-aalaga sa akin. Matanda na ako. Wala naman akong ipon at sakitin na.
Kamamatay lang ng aking asawa. Imbes na magtulungan sila ay nagturuan pa kung sino ang magbabayad sa ataol at burol ng misis ko. Sa harap ko mismo nag-aaway sila. Mabuti na lang ang bunso kong anak ay matiyagang humingi ng tulong sa barangay at sa mga pulitiko.
Nakita ko na ang mangyayari sa akin kapag namatay ako. Mag-aaway din sila malamang pagnatigok ako.
Sa totoo lang, hindi ko naman hinahangad na bigyan nila ako ng maraming oras dahil alam ko ring may mga pamilya na sila. Pero heto ako ngayon, laging naiiwan sa bahay mag-iisa at laging ako na lang kasama ay ang aso’t pusa ko.
Mang Danilo
Dear Mang Danilo,
Huwag naman po kayong masyadong malungkot. Ipagdasal po ninyo na kahit isa sa inyong mga anak ay magtiyagang alagaan kayo.
Sa ngayon busy sila pero dahil sa inyong panalangin may gagawing paraan ang
Maykapal. Tiyak na isa ang bunso ninyo sa magtitiyagang alagaan ka. Lagi mong paalalahanan ang iyong mga anak. Tatagan mo ang iyong kalooban, tandaan mo kung malimutan ka man ng iyong mga anak ang Diyos ay hinding hindi ka pababayaan. May mga taong magmamalasakit pa rin sa iyo.
DR. LOVE
- Latest