Puro na lang reel at tiktok
Dear Dr. Love
Tawagin na lamang akong Dindong. Nasobrahan na yata ng pagre-reel at tiktok itong mga anak at misis ko. Kapag umuuwi ako sa bahay, wala pang sinaing at hindi pa nakakaluto ng ulam ang misis ko.
Nabubwisit na ako, wala na ring gustong mag-asikaso sa akin.
Ang matindi pa, yung ginamit na pinggan sa agahan, inabutan ko pa pag-uwi ko sa gabi. Gusto ko na ngang ipaputol ang internet connection namin para mabawas-bawasan ang pag-o-online ng pamilya ko.
Sabi nila may kikitain daw pero hanggang ngayon wala naman nangyayari, panay lang post nila.
Malapit na ang pasukan ng mga bata. Kaya tiyak na maaapektuhan din ang pag-aaral nila. Ewan ko, bakit nauso pa ‘yang fb na ‘yan at tiktok.
Basta sumikat lang nag-uubos sila ng panahon. Itong misis ko ang konsintidor. Akala mo dalaga pa siya, sayaw nang sayaw sa camera.
Dingdong
Dea Dingdong,
Tama naman, dapat may oras lang ang pag-o-online. Talagang maaapektuhan ang takbo ng buhay ng pamilya kung babad sa social media.
Hangga’t maaga pa, dapat baguhin at limitahan ang oras ng pag-o-online. Kundi ay magiging adik na rito at maraming mas mahahalagang bagay ang mapapabayaan.
Hamon ito sa mga kabataan, dapat may takdang oras lang ang paggamit ng internet. Mainam kung tungkol sa pag-aaral ninyo ang inyong inaatupag sa pag-o-online.
Sa mga nanay naman, tatay rin o guardian, gabayan po ng maayos ang inyong mga anak. Sana huwag natin silang pabayaan na buong araw, minsan umaabot pa ng magdamagan na nakatutok sa social media.
Kung may tiyak na kikitain ay ok lang, mainam rin naman…basta may limitasyon at nasa tamang oras lang.
DR. LOVE
- Latest