Nawalan ng kabuluhan ang buhay
Dear Dr. Love,
Umaasa ako na makatutulong ka upang maibsan man lang kahit bahagya ang bigat na dinadala ko sa aking puso. Tawagin mo na lang akong Loida, 27 anyos at isang single parent hanggang sa mamatay dahil sa meningitis ang nag-iisa kong anak na lalaki. Napakalaking kawalan para sa akin ang pagpanaw ng aking siyam na taong gulang na anak.
Ang anak kong ito ang siyang dahilan kung bakit ako ay nagsisikap sa buhay. Isa akong negosyante na kumikita sa on-line selling na natutuhan ko dahil hinimok ako ng isang kaibigan. Naging single parent ako dahil mula pa sa pagka-teenager ay masyado na akong liberated. Noon pa man, naipangako ko sa sarili na hindi ako mag-aasawa kundi magpapabuntis lang ako.
Hanggang makatagpo ako ng lalaking guwapo na hinangad kong maging ama ng aking anak. Casual lang ang aming pagtatagpo at sa mismong araw ng aming pagkikilala ay nagkasundo kami na magtalik. Nasundan pa iyon ng tatlong beses hanggang mabuntis ako.
Galit na galit ang mga magulang ko at itinakwil ako kaya natuto akong mabuhay nang nag-iisa sa piling ng aking anak. Ibinuhos ko ang buong buhay ko sa aking anak na nasa grade five na sana pero nagkaroon ng malubhang sakit. Lahat ng savings ko ay naubos. Mayaman ang kanyang ama pero dahil sa taas ng aking pride ay hindi ko ipinabatid sa kanya ang situwasyon.
Namatay rin ang anak ko at nang ito ay malaman ng kanyang ama, sinumbatan ako at bakit hindi ko raw into ipinaalam sa kanya. Wala na akong magawa kundi tanggapin ang masasakit niyang salita. Ngayon ay nag-iisa na lang ako at nawalan ng gana sa pagtatrabaho dahil nawala na ang dahilan ng aking pagpupunyagi. Ano ang gagawin ko?
Loida
Dear Loida,
Nagbunga ng masamang epekto ang paniniwala mong huwag mag-asawa kundi magpabuntis na lang at maging single parent. Sa pagpapamilya, mahalaga na magkaroon ng katuwang ang isang tao. Ang Diyos ay lumalang ng isang katuwang para kay Adan at iyan ay si Eba, sapagkat ganyan idinesenyo ang pamilya: may ama at ina na susubaybay at mag-aaruga sa mga magiging supling.
Sana ay magbago ang iyong maling mind set at makaisip kang magkaroon ng kapareha at karamay sa buhay sa pagbuo ng isang masayang pamil-ya. Tama naman ang ama ng anak mo na dapat ipinaalam mo sa kanya ang kondisyon ng inyong anak. Siya pa rin ang tatay at may obligasyong dapat gampanan para sa inyong supling.
Ngayon, huwag mo nang ipagmukmok ang kapighatiang hindi na puwedeng burahin sa buhay mo. Move on at huwag mawala ng interes sa pagtatrabaho dahil hindi lang ang iyong anak ang dahilan ng iyong buhay, kundi ang iyong kinabukasan dahil bata ka pa.
Dr. Love
- Latest