Pinapatawag ng magulang ng gf
Dear Dr. Love,
Ako po si Xander, 18 years old at grade 12 STEM student sa isang university rito sa Manila. Dito ko rin po nakilala si Liza, 17 years old grade 12 ABM student. Nagkakilala po kami sa canteen ng school. Madalas po kasi tuwing recess ay lagi ko siyang nakakasabay.
And then, one time po nagpapansin na po ako sa kanya. Aware din naman po ako na napapansin na rin niya ako dahil sa tuwing tinitignan ko siya habang kumakain sa canteen ay nahuhuli ko rin po siya na nakatingin sa akin. And to make the story short po, naging mag-jowa kaming dalawa.
Tulad po ng mga normal na mag-jowa, sa una po ay puro saya lang po. Sabay kami kumakain at sabay din kami umuuwi. Pero ‘di pa po kami legal sa parent niya, kasi ang gusto ng magulang niya ay makapa tapos muna siya bago siya magsyota. Which is naiintindihan ko naman po at nirerespeto ko.
Ang problema po namin ay nalaman po ng mga magulang niya ang tungkol sa relasyon namin. ‘Di rin po namin alam kung sino po ang nagsabi. Nagulat na lang po ako one time nang tumawag sa akin si Liza, pinapapunta niya ako sa kanila. Sinabi niya rin sa akin na gusto raw ng mga magulang niya na hiwalayan niya ako. Natatakot po akong pumunta sa bahay nila. ‘Di ko rin po kasi alam kung ano ang gagawin ko. Sana matulungan ni’yo po ako.
Salamat po.
Xander
Dear Xander,
Naiintindihan ko kung bakit ganyan ang nararamdaman mo. Kinakabahan ka lang sa posibleng gawin o sabihin sa’yo ng magulang ng kasintahan mo. ‘Di mo rin naman sila masisi. Magulang sila at importante sa kanila ang kanilang anak.
Mabuti siguro, tibayan mo ang loob mo. Kung gusto ka talagang makita ng magulang ni Liza, dapat harapin mo sila ng buong buo. Natural naman sa magulang ang maging protective sa kanilang mga anak lalo na at ‘di ka pa nila nakikilala. Ang gawin mo ay patunayan mo sa kanila na mabuti at malinis ang intensyon mo sa anak nila.
Bilang isang magulang ay iyon naman ang importante sa kanila. Ipangako n’yo sa kanila na sabay kayong magtatapos ng pag-aaral. Iparamdam mo sa kanila na tunay ang pagmamahal mo para sa anak nila. Sigurado kung makita nila na mabuti talaga ang iyong kalooban ay matatanggap ka nila. Priority pa rin ang pag-aaral ha, iho.
Dr. Love
- Latest